Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Alaska vs San Miguel
HIHIGPITAN pa ng San Miguel Beer ang pagsakal sa Alaska Milk sa pagpuntirya ng isa pang panalo sa Game Three ng PBA Governors Cup best-of-seven Finals mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang Beermen, na naghahangad ng ikalawang kampeonato sa tatlong conferences, ay nakapagposte ng 2-0 bentahe kontra Aces matapos ang 103-95 panalo noong Linggo.
Dinurog ng San Miguel ang Alaska, 108-78, sa Game One. Kung muling mananalo ang Beermen mamaya ay magkakaroon sila ng oportunidad na walisin ang Aces sa Biyernes.
Sa Game Two ay na-blanko ng Beermen ang Aces sa huling 2:57 at nakagawa ng 13-0 windup sa pagtutulungan nina Marcio Lassiter, Arizona Reid at June Mar Fajardo.
Impresibo si Lassiter dahil sa dulo ng laro ay gumawa siya ng dalawang magkasunod na three-point shots. Nagtapos siya na may 17 puntos at pitong rebounds.
Si Reid, na natalo kay Romeo Travis ng Alaska Milk sa labanan para sa Best Import award, ay nagtala ng game-high 37 puntos. Si Fajardo, na itinanghal na Best Player of the Conference, ay nag-ambag ng 16 puntos.
Isa pang San Miguel local, ang point guard na si Alex Cabagnot, ay nagtapos na may 13 puntos.
Animo’y maitatabla ng Alaska ang serye nang makalamang ang Aces, 85-76, buhat sa back-to-back three-pointers nina RJ Jazul at Calvin Abueva sa umpisa ng fourth quarter.
Subalit hindi naalagaan ng Aces ang kalamangan dahil sa ratsada ng Beermen. “Akala ko makakabawi ang Alaska dahil sa adjustments nito.
It’s good we managed to hang tough in the end,” ani San Miguel Beer coach Leovino Austria na pumuputirya sa kanyang ikalawang kampeonato bilang coach sa PBA.
Umaasa ang Aces na manunumbalik ang dating buti ni Travis na nalimita sa 23 puntos sa Game Two.