Inaresto sina Christopher Malanom at Reynante dela Rosa, kapwa ng San Pablo City; Noey Ogabar, ng Alaminos; at isang Miguel Garay, sabi ni Superintendent Martin Gamba, tagapagsalita ng Caraga regional police.
“May pagawaan sila dito, dito nila ginagawa ‘yung buko pie,” sabi ni Gamba nang tanungin kung anong anong ginagawa ng mga lalaking taga-Laguna sa Agusan del Sur.
Kinasuhan na ang apat ng reckless imprudence resulting in physical injuries, aniya.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng 43-anyos na si Verlita Parato, residente ng Brgy. Taglatawan, Bayugan.
Ayon kay Gamba, binili ni Parato ang “homemade” buko pie sa isang bus terminal sa katabing bayan ng Sibagat noong Hulyo 10.
“Pauwi siya ng Bayugan from Sibagat on a bus, nung huminto sa terminal, doon niya binili ‘yung buko pie,” anang regional police spokesman.
Inuwi ni Parato ang buko pie, kinain ito nang sumunod na araw, at matapos iyo’y dumanas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka, ani Gamba.