3 patay; 4 pa sugatan sa engkuwentro sa Quezon

quezon

Isang sundalo, kasapi ng New People’s Army (NPA), at sibilyan ang nasawi habang apat pang kawal ang nasugatan nang muling makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang rebeldeng grupo sa Quezon kamakalawa (Linggo), ayon sa militar.

Nasawi si Cpl. Michael Lubian, ng Army 85th Infantry Battalion, at ang di pa kilalang rebelde, na nakuhaan ng M16 rifle, sabi ni Major Angelo Guzman, tagapagsalita ng Armed Forces Southern Luzon Command.

Namatay din ang sibilyang si Herminio Pateña nang maipit sa “crossfire,” ani Guzman, gamit bilang basehan ang impormasyong mula kay Lt. Col. Simeon Talosig, commander ng 85th IB.

Sugatan naman sina Pfcs. Jeffrey Morales, Isabelo Pascua, Louie Tapiador, at Ronel Diorda.

Sumiklab ang sagupaan sa Sitio Carinay, Brgy. Villa Ibaba, bayan ng Atimonan, dakong alas-4:45 ar tumagal nang dalawang oras, ani Guzman.

Ayon kay Colonel Rhoderick Parayno, commander ng 201st Infantry Brigade, ang sagupaan ay bunsod ng pinaigting na operasyon ng 85th IB laban sa NPA, na nagbabalak mabawi ang mga dati nitong “mass base.”

Matatandaan na noon lang Hulyo 8, napatay ng mga elemento ng 85th IB ang tatlong rebelde sa engkuwentro sa Mauban.

Dalawang taon na ang nakaraan mula nang ideklara ng militar na wala nang impluwensiya ang NPA sa Atimonan.

Ayon kay Parayno, malapit ang pinangyarihan ng engkuwentro noong Linggo sa lugar kung saan balak magtayo ng power plant ng kompanyang One Energy, kaya pinaniniwalaan din na mananakot at mangingikil ang mga rebelde doon.

Read more...