San Miguel Beer nakubra ang 2-0 lead sa Finals

Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer
(Game 3, best-of-seven Finals)

BUMIRA ng mga mabigat na tira ang mga inaasahang manlalaro ng San Miguel Beermen sa huling tatlong minuto ng laro para maagaw ang Game Two ng 2015 PBA Governors’ Cup best-of-seven Finals mula sa kamay ng Alaska Aces, 103-95, at makubra ang 2-0 series lead kahapon sa larong ginanap sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Tabla ang laro sa 95-all nang tumira si San Miguel Beer swingman Marcio Lassiter ng go-ahead left corner triple may isang minuto ang nalalabi para ibigay sa Beermen ang kalamangan. Sinundan pa ito ng mga free throws mula kina June Mar Fajardo at Arizona Reid para tuluyang maselyuhan ng San Miguel Beer ang panalo.

Ang Game Three ay gaganapin ngayong Miyerkules sa Big Dome.

Samantala, pinarangalan naman si Fajardo bilang Best Player of the Conference bago mag-umpisa ang Game Two kahapon.

Ito ang ikatlong pagkakataon na ang Cebuanong sentro ng Beermen ay nagwagi ng Best Player of the Conference matapos na mapanalunan ang nasabing parangal noong 2014 at 2015 Philippine Cup.

Nauwi ni Fajardo ang titulo matapos makalikom ng 1,134 boto mula sa 393 puntos galing sa stats, 495 media votes, 96 player votes at 150 votes mula sa PBA.

Ang naghaharing season Most Valuable Player ay may average na 17.8 puntos, 11.6 rebounds, 1.2 blocks, 0.8 assists at 0.5 steals sa season-ending conference at pinangunahan niya ang Beermen sa ikalawang Finals appearance sa ika-40 season ng liga.

Bunga ng pagwawagi ng ikalawang BPC award ngayong season, si Fajardo ay ang paboritong maging season MVP at magkakaroon siya ng pagkakataon na maduplika ang nakamit ni Danny Ildefonso na naging back-to-back MVP noong 2000 at 2001.

Tinalo ni Fajardo para sa BPC award sina Globalport guard Terrence Romeo (662), ang kakamping si Lassiter (519), NLEX center Paul Asi Taulava (345), Barangay Ginebra forward Japeth Aguilar (342 votes) at Talk ‘N Text guard Jason Castro (326).

Napili naman bilang Best Import si Romeo Travis ng Alaska.

Dinaig ni Travis para sa nasabing parangal si AZ Reid ng San Miguel Beer.

Ang 30-anyos na si Travis ay may average na 24 puntos, 12.9 rebounds, 1.9 steals at 1.2 blocks kada laro hanggang sa semifinals.

Tumira rin si Travis ng 52% mula sa field at 80% mula sa free throw line.

Read more...