MAGANDANG kondisyon ang ipinakita ng kabayong Miss Brulay nang kunin nito ang 2015 Philracom 3rd leg Triple Crown Championship kahapon sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Kevin Abobo ang hinete ng tatlong taong filly na nagbanderang tapos sa 2,000m distansya para angkinin ang P1.8 milyong gantimpala mula sa P3 milyong pinaglabanan na itinaya ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Naorasan ang kabayong may lahi na Cat Brulay at Near Miss ng 2:07.2 sa kuwartos na 26’, 24’, 24’, 24 at 28 para maging ikatlong dehadong kabayo na nanalo sa premyadong karera para sa mga tatlong taong gulang na mga kabayo.
Sixth choice lamang sa pitong naglabanan, sapat ang naipundar na halos tatlong dipang agwat sa mga katunggali sa huling 75 metro para hindi na makabawi pa ang rumemateng si Money Talks na sakay ni Jeff Zarate.
Ang second leg champion na si Court Of Honour na diniskartehan ni JPA Guce ay nalagay lamang sa ikatlong puwesto habang si Princess Ella sa pagdadala ni Val Dilema ay tumapos na pang-apat.
Si Sky Hook, na second choice sa bentahan matapos ng Court Of Honour, ay hindi nakaporma at tumapos lamang sa ikalimang puwesto habang sina Icon at Dikoridik Koridak ang naging bugaw.
Si Superv, na kampeon sa first leg pero pumangatlo sa second leg, ay hindi na sumali sa pagkakataong ito.
Nakontento sina Money Talks, Court Of Honour at Princess Ella sa P675,000 P375,000 at P150,000 premyo.