TINIIS ni Donnie Nietes ang pananakit ng kanang kamao mula ikapitong round tungo sa unanimous decision panalo laban kay Francisco Rodriguez ng Mexico sa labang ginawa Sabado ng gabi sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.
Naunang ipinakita ni Nietes ang galing sa pagpapatama ng mga suntok at ilang beses na napaatras ang agresibong si Rodriguez para sa matagumpay na pagdepensa sa suot na World Boxing Organization (WBO) light flyweight title.
Sina Liza Giampa at Robert Hecko ay nagbigay ng malaking 118-100 at 119-109 iskor habang ang ikatlong hurado na si Benoit Roussel ay may 115-113 dikit na tagumpay para kay Nietes na siyang natatanging world boxing champion ng bansa.
Ito ang ika-36 panalo sa 40 laban ni Nietes at si Rodriguez ang ika-12 Mexicano na kanyang tinalo.
Nasaktan ang kanang kamay ni Nietes nang tumama ito sa ulo ng katunggali sa ikapitong round.
Bumagal ang pagkilos ni Nietes sa mga sumunod na round at kinapitalisa ito ni Rodriguez sa pinaigting na pag-atake.
Naputukan sa kilay si Nietes sa ika-11th round pero bumawi ang dating minimumweight champion nang pinadugo nito ang bibig ng challenger sa huling round.
Ito ang unang pagkatalo ng 21-anyos na si Rodriguez matapos ang 21 laban na kinakitaan din ng tatlong tabla.
Hindi nagpahuli ang papasibol na si Mark “Magnifico” Magsayo nang kanyang patulugin sa ikalimang round si Rafael Reyes ng Mexico.
Isang left uppercut ang tumapos sa paghihirap ng Mexicano nang bumulagta ito bago nagpasya si referee Ver Abainza na wakasan na ang bakbakan sa 2:29 ng round.