Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer
(Game 1, best-of-seven Finals)
SA ikalawang pagkakataon sa 40th season ng Philippine Basketball Association (PBA), ang San Miguel Beer at Alaska Milk ay maghaharap para sa kampeonato.
Makakaulit ba ang Beermen o makakaganti ang Aces?
Ang Game One ng best-of-seven 2015 PBA Governors’ Cup Finals ay nakatakda mamayang alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at inaasahang magpapasabog agad ang magkabilang koponang nais makauna sa serye.
Nakarating ang Alaska sa finals noong Linggo matapos na mawalis ang dating kampeong Star Hotshots sa semis, 3-0.
Nangailangan naman ng apat na laro ang San Miguel Beer bago naidispatsa ang Rain or Shine sa kanilang serye.
Dinaig ng Beermen ang Elasto Painters, 117-110, sa Game Four noong Miyerkules.
Hangad ng San Miguel Beer na maiuwi ang ikalawang titulo sa season na ito. Magugunitang dinaig ng Beermen ang Aces sa pitong laro upang maghari sa Philippine Cup.
Mula noon ay nakaganti ng dalawang beses ang Alaska Milk sa San Miguel Beer. Tinalo ng Aces ang Beermen, 107-100, sa elims ng Commissioner’s Cup noong Pebrero 17. Sa elims naman ng Governors’ Cup ay dinaig ng Aces ang Beermen, 82-77, sa Panabo City, Davao del Norte noong Hunyo 20.
Nais ni San Miguel Beer coach Leovino Austria na maibulsa ang kanyang ikalawang titulo bilang coach sa PBA.
Hangad naman ni Alaska coach Alex Compton na masungkit ang kanyang una.
Sa import matchup ay magduduwelo sina Romeo Travis ng Alaska Milk at Arizona Reid ng San Miguel Beer. Si Reid ay nasa kanyang ikalimang conference sa PBA subalit hindi pa nagwawagi ng titulo. Ang una niyang tatlong conference ay ginugol niya sa Rain or Shine.
Si Travis ay susuportahan nina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Makakakuha naman ng tulong si Reid buhat kina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter.