Team chemistry susi sa PSL Beach Volley Cup

ANG koponan na makakapagpagpakita agad ng chemistry ang siyang magkakaroon ng magandang tsansa na manalo sa PLDT Home Ultera Philippine SuperLiga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na handog ng Smart Live More.

Nasa 13 koponan na ang kasali sa women’s division habang siyam ang maglalaro sa kalalakihan sa ligang inorganisa ng PSL sa hangaring maibalik ang dating tikas ng bansa.

“Noong 90s ay isa ang Pilipinas sa malalakas sa Asia. Kaso nawala ang programa sa beach volleyball. We want to bring that old glory that is why PSL is holding this tournament,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara sa pulong pambalitaan kahapon sa Centerstage sa Mall of Asia sa Pasay City.

Ang Meralco ang huling koponan na pumasok sa women’s team na kung saan sina Mic Mic Laborte at Cha Cruz ang ininunguso bilang paboritong koponan.

Si Laborte ay isa sa pinakamahusay na manlalaro ng bansa sa beach volleyball at naging national player pa kaya’t sinasabing patok ang kanilang tambalan ni Cruz sa Cignal A.

“May pressure sa akin to play well dahil magaling si Mic Mic at para maging effective kami playing together. We’re gonna give our best,” wika ni Cruz.

Isa pang mahusay ay ang tambalan nina Norie Jane Diaz at Danica Gendrauli ng Gilligan’s pero hindi agad na sinang-ayunan ito ni Diaz na kilala ang husay sa beach volley nang ilang sunod na nagkampeon ang Perpetual Help sa NCAA.

“Wala pa, hindi pa natin alam dahil bago kami magpartner. Kailangang mag-training muna at magkaroon ng chemistry sa loob ng court. Ito kasi ang mahalaga sa beach volley,” ani ni Diaz.

Sa Hulyo 18 magsisimula ang liga at handa ang pamunuan na magdagdag ng playdates sakaling makansela ang ibang laro dahil sa pagsama ng panahon.

“Napag-usapan na namin ito at handa naming kanselahin ang ilang laro o kahit ang buong laro na nakaiskedyul para hindi maapektuhan ang kalusugan ng mga players,” ani pa ni Suzara.

Read more...