Anim katao na ang nasawi dahil sa mga pagbahang dulot ng ulang dala ng habagat, na pinalakas ng magkasunod na bagyong “Egay” at “Falcon,” ayon sa mga awtoridad kahapon.
Tatlo sa mga nasawi, na kinabibilangan ng dalawang bata, ang naitala sa gitna ng mga pagbaha sa Meycauayan City, Bulacan, kamakalawa (Miyerkules), sabi ni Josefina Timoteo, direktor ng Office of Civil Defense-3.
Ang mga pagbaha sa Bulacan ay dulot ng ulang dala ng habagat, na pinalakas ng bagyong “Falcon,” sabi ni Tomoteo sa kanyang ulat.
Nasawi ang 1-taong gulang na si Irene Lumugho nang madaganan ng pader ng katabing trucking company ang barong-barong ng kanyang pamilya sa MIS Compound, Brgy. Pantok, alas-11:55 ng umaga, ani Timoteo.
Nagiba ang pader ng RLMU trucking dahil sa bahang dulot ng matinding ulan, aniya.
Nabuwal na pader din ang kumitil sa buhay ni Demitrio Ylasco, 74, sa Apable St., Brgy. Iba. Aabot sa 4-talampakang baha ang gumiba sa pader ng kapitbahay ni Ylasco.
Nalunod naman si Aljon Lapitag Jr., 5, nang tangayin ng baha ang bahay ng kanyang pamilya sa Sitio Cabatuan, Brgy. Camalig, ala-1 ng hapon.
Natagpuan na lang ng kanyang ina ang bangkay ng bata na lumulutang sa tubig-baha na patungo sa creek.
Samantala, kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dalawa ang nasawi dahil sa sama ng panahong dala ng habagat.
Nalunod si John Kevin Jacinto, 19, sa ilog na nasa likod ng tanggapan ng Land Transportation Office sa Aurora Blvd., Quezon City, matapos na madulas sa riprap, ayon sa NDRRMC.
Isinama din ng ahensiya sa talaan ng nasawi sa habagat ang Korean national na si Heo Seung Yung.
Matatandaang nawala si Heo kasama ang mga kapwa Koreanaong diver na sina Baek Seung Kyoon at Kim Eun nang maanod habang sumisisid sa bahagi ng dagat na malapit sa Punta Engano, Lapu-Lapu City, Cebu, noong nakaraang Linggo.
Natagpuang patay si Heo sa Camotes Island nitong Miyerkules. Nakaligtas bagamat sugatan sina Baek at Kim.
Samantala, isang lalaki ang natagpuang patay sa gitna ng ilog sa Binalonan, Pangasinan, nito ring Miyerkules, matapos umanong malunod sa baha na dulot ng bagyong “Egay.”
Natagpuan ang bangkay ni Danilo De Vera, 53, pasado alas-8 ng umaga sa islang nasa gitna ng ilog sa Brgy. Moreno, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
“It is believed [that he] drowned during tropical storm ‘Egay,'” sabi sa ulat.
Samantala, inulat ng NDRRMC na umabot na sa 141 pamilya o 615 katao ang nagsilikas sa San Jose del Monte City, Bulacan; Dinalupihan, Bataan; San Pedro City, Laguna; at Valenzuela City, Metro Manila, dahil sa pagbahang dulot ng habagat.
– end –