SINABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na dalawang dam sa Luzon ang nanganganib na mag-overflow matapos ang ilang araw na mga pag-ulan dulot ng habagat.
Kabilang sa mga nagbabantang umapaw ay ang La Mesa Dam sa Quezon City at Ipo Dam sa Bulacan.
Sinabi ni Pagasa hydrologist na si Ronalyn Macalalad na alas-11 ng umaga, naitala ang lebel ng La Mesa sa 79.69 meters. Aabot sa 80.15 meters ang spilling level ng dam.
Nauna nang nagpatupad ng red alert ang mga otoridad sa harap naman ng banta ng pag-apaw ng dam.
Kabilang sa mga apektadong mga lugar ay ang Fairview, Forest Hill, Quirino Highway, Capri, Goodwill Homes, Santa Quiteria at San Bartolome sa Quezon City; Ligon, North Expressway, at Huerta sa Valenzuela City; at Malabon.
Samantala, naitala naman ang lebel ng Ipo Dam sa Bulacan sa 100.94 meters, malapit na sa spilling level na 101 meters.