KAPAG nalalapit na ang halalan, hindi nawawala ang debate hinggil sa usapin kung nararapat ba o hindi ang isang artista na pasukin ang mundo ng politika.
Marami ang nagsasabing makabubuting ilaan na lang ng mga artista ang kanilang husay at galing sa kanilang sining sa halip na makisalo o makisawsaw sa magulong mundo ng pulitika, tumakbo sa halalan at ma-ging isang lingkod-bayan.
Walang alam ang parating puna sa mga artistang kumakandidato. Ang paggawa ng batas o ordinansa, ang maging punong ehekutibo ng isang bayan o lungsod ay makabubuting ipaubaya na lamang umano sa mga tunay na politiko.
Sinasabi rin na kapag malapit nang malaos ang isang artista o wala na itong career, sasamantalahin na nito ang pagkandidato para may alternatibo sila sa nananamlay nilang propesyon.
At kahit walang kakayahang gampanan ang maging isang opisyal ng gobyerno, pero dahil artista at popular, gagawin nilang tumakbo sa halalan sa pag-asang madali silang mananalo dahil sila ay sikat at umaapaw ang suporta ng mga tagahanga.
Walang batas na nagbabawal sa isang artista na tumakbo sa eleksyon, maging ito man ay sa lokal o pang-national.
Gaya na rin ng nakasaad sa Konstitusyon, kahit sino ay maaaring tumakbo basta ikaw ay tunay na Pilipino, marunong magbasa at magsulat, at rehistradong botante. Kaya ang mga artista, bida man o kontrabida, ay may karapatang tumakbo sa halalan.
Kaya lang naman maraming bumabatikos kapag ang isang artista ay tumakbo ay dahil marami sa kanila ang walang ginagawa sa sandaling mailuklok sa posisyon. Hindi na natin kailangan silang isa-isahin dahil kilala naman ninyo sila.
Maliban sa pakaway-kaway sa kanilang constituent, madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw na makita mo silang lumahok sa mga deliberasyon, sa Kongreso man yan o sa konseho.
Hindi sapat na manalo sa eleksyon ang isang artista. Higit sa lahat, kailangan niyang mag-aral at magpursiging matuto kung ano ang mga gawain ng isang halal ng bayan.
Dapat maayos niyang nagagampanan ang kanyang trabaho at ang serbisyong dapat niyang ibigay sa mga taong nagpapasweldo sa kanya.
Sa kabilang banda, meron din namang mga artista ang nagpatunay na hindi lang ganda ng mukha at galing sa pag-arte ang kanilang puhunan. Ilan sa kanila, sa katunayan, ay daig pa ang mga lehitimong politiko sa pagbibigay-serbisyo sa bayan. Ilan sa kanila ang nagsikap
aralin ang kanilang trabaho at naging matagumpay sa pagiging pulitiko. At kung tutuusin pa ay higit na may karapatang tawa-ging halal ng bayan.
Sila yung mga nagsumikap na matuto at pinatunayang kayang makipagsabayan sa mga pulitikong nakapag-aral nga at titulado.
Ang mahirap kasi sa ibang mga artista ay walang pagpupursigi. Matapos na manalo sa eleskyon, kuntento na lang na maging isang palamuti sa tanggapan na kanyang pinapasukan, maghintay ng sahod at iba pang “sahod” mula sa mga “transaksyon” ng gobyerno.
Walang masama kung tumakbo ang isang artista sa halalan, pero hindi dapat popularidad lang at ganda o kisig ang maging bentahe nila para iboto ng bayan kundi kung anong serbisyo ang kaya nilang gawin at ibagay para sa kanila na walang bahid ng personal na interes. At kung kaya nila itong gawin, walang dahilan para hindi sila tumakbo at ihalal ng bayan.