Ginang, 2 bata patay sa sunog

lian
Patay ang misis ng isang negosyante at dalawa niyang batang pamangkin habang pito pa katao ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang isang commercial building sa Lian, Batangas, kahapon (Miyerkules) ng umaga.

Nasawi sina Analyna Jonson, 50, at magkapatid niyang pamangkin na sina Lovely, 12, at Jaycee Batuto, 9, sabi ni Senior Inspector Philip Aguilar, officer-in-charge ng Lian Police.

Kapwa namatay sa pagkasunog ang dalawang bata, na natagpuan na lang ng mga bumbero matapos maapula ang apoy, sabi ni Aguilar nang kapanayamin sa telepono.

“Nakita na lang sila ng mga firemen natin sa 3rd floor, sa kanilang kuwarto, na maayos pa ang pagkahiga sa kanilang kuston, yun ay siguro… ‘di na nagising, kasi ‘yung pagkahiga nila ay parang normal na natutulog. Siguro nag-panic ‘yung mga kasamahan nila sa bahay, di na sila nasundo,” ani Aguilar.

Matinding pinsala sa ulo naman ang ikinasawi ni Analyna, na tumalon mula sa bahagi ng fire exit na nasa ikalawang palapag ng gusali noong kasagsagan ng sunog.

“Nakalabas na siya (Analyna)… habang pababa, nasa second floor pa lang, napansin po yata niya na lumalaki na ang apoy, eh tumalon. May basag po ‘yung mukha niya, siguro po ay nagkamali ng bagsak, kaya nauna ‘yung part ng ulo,” ani Aguilar.

Naospital naman at naka-comatose ang biyenan ni Analyna na si Milagros Jonson, 75, dahil umano sa dami ng usok na nalanghap.

Nakaligtas ang anak ni Analyna na si Herlyn Grace, 21, at mga empleyado nilang sina Raquel Isona, 27; Irene Cabrerra, 30; Christi Labajo, 23; at Alice Gamez, 25, bagamat nasugatan.

Nagsimula ang sunog sa gusali, na nasa D. Limon Street, Brgy. 2, dakong alas-4 ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-umpisa ang apoy sa unang palapag ng gusali, kung saan may grocery ang mga Jonson, at mabilis kumalat paakyat.

Bukod sa grocery sa unang palapag, ginagamit naman bilang “stockroom” ang ikalawang palapag, habang sa 3rd at 4th floor nakatira ang mga Jonson at kanilang mga empleyado.

“Base po sa investigation ng Bureau of Fire Protection, faulty electrical wiring, hindi naman nila in-elaborate pa kung anong klase, sa ilaw ba o sa electric fan, ‘yun pa lang po ang initial finding… Nagsimula sa ground floor kung saan nandun ‘yung mga paninda nila at mabilis kumalat hanggang sa 4th floor,” ani Aguilar.

Read more...