Beermen tatapusin na ang serye vs Painters

PBA/ July 06,2015  The partly hidden Paul Lee was able to sneak a pass to Rain or Shine Teammate Gabe Norwood off Cris Ross and Arwind santos of SMB , at the Smart Araneta . INQUIRER PHOTO/AUGUST DELA CRUZ

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain Or Shine vs.
San Miguel Beer
PIPILITIN ng San Miguel Beer na tapusin na ang Rain or Shine upang muling makasagupa ang Alaska Milk sa best-of-seven Finals ng PBA Governors Cup.
Ang Beermen at ang Elasto Painters ay magkikita sa Game Four ng best-of-five semifinals mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nakalamang sa serye ang Beermen, 2-1, matapos na magtagumpay sa Game Three, 114-108, noong Lunes. Nagwagi din ang Beermen sa Game One, 101-95, subalit natalo sa Game Two, 113-110, matapos na lumamang ng 20 puntos.
Kung makakaulit ang San Miguel sa Rain or Shine mamaya ay muling maghaharap ang Beermen at Aces sa Finals sa ikalawang pagkakataon sa season na ito. Ang San Miguel at Alaska ay nagtagpo sa Finals ng Philippine Cup kung saan namayani ang Beermen matapos ang pitong laro sa serye.
Sa Game Three noong Lunes ay nag-init ang Beermen buhat sa three-point area kung saan sila nagpasok ng 18 sa 27 tira. Ang import na si Arizona Reid ay gumawa ng 7-of-10. Si Alex Cabagnot ay nagtala ng 5-of-7 samantalang si Marcio Lassiter ay gumawa ng 4-of-6.
Si Reid ay nagtapos na may 37 puntos, limang assists, apat na rebounds, at tatlong steals sa 46 minuto. Si Cabagnot ay nagtala ng 26 puntos, siyam na assists, limang rebounds at tatlong steals. Si Lassiter ay gumawa ng 17 puntos, anim na rebounds at tatlong assists.
Ang reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo ay nag-ambag ng 17 puntos at walong rebounds.
“We’re able to adjust on what they did to us. Our zone defense worked,” ani San Miguel Beer coach Leovino Austria na naghahangad na muling makaengkwentro si Alaska Milk coach Alex Compton sa Finals.
Gayunman, alam ni Austria ang kakayahan ng Rain or Shine na makaresbak sa serye base sa nangyari sa Game Two. Sa larong iyon ay nabokya ng Painters ang Beermen sa huling minuto at gumawa ng 7-0 atake upang magwagi. Si Jeff Chan ang nagpanalo sa Rain or Shine nang magpasok ng triple sa huling 7.6 segundo.
Ang pinakamalaking kontribusyon sa larong iyon ay galing kay Wendell McKines na nagposte ng conference-high 53 puntos. Sa Game Three ay muling sumingasing si Mckine at umiskor ng 39 puntos. —Barry Pascua

Read more...