Kapag pumipili ng helmet na bibilhin, ang konsiderasyon mo ba ay maprotektahan ang iyong ulo mula sa pagkabagok o pagka-untog sa kalsada kung sakaling masangkot ka sa aksidente?
O dahil gusto mong maging malinaw ang iyong tingin habang suot ang helmet at bumabaybay sa kalsada?
Nasubukan mo na bang tumingin ng bagong crash helmet na pasok sa kalidad na itinakda ng Department of Trade and Industry?
Yung gawa sa fiberglass na may nakalagay na reflectorized, three-dimensional logo ng ICC?
Aba, dapat maghanda na dahil simula Enero 1, 2013 ay gagawin nang mandatory ang paggamit nito.
At kung hindi susunod tiyak na masisingil ka ng malaki-laking halaga, at alam namin na alam mo na rin ito.
Malamang ang hanap mo ay ‘yung gawa sa matibay na materyales upang hindi masaktan ang iyong ulo kapag ikaw ay naaksidentePero hindi lamang ito ang dapat mong ikonsidera o tingnan sa pagpili o pagbibili ng bagong helmet.
Dapat mo ring ikonsidera ang liwanag ng salamin ng helmet na iyong bibilhin at nang hindi ka nangangapa sa dilim o sa tuwing umuulan.
Limang brand ang aming sinuri (pasensya na at hindi namin maaaring banggitin ang mga ito dahil baka isipin na nag-eendorso kami ng mga produkto) upang malaman ang epekto ng tint nito sa mata ng nagmomotorsiklo.
Ang mga bagong heneras-yon ng helmet ay mayroong full-faced shield na mayroong nakakabit na tinted visor.
Matapos suriin ang limang brand, napatunayan namin na hindi pare-pareho ang mga ito pagdating sa dilim ng mga tint na ginamit sa mga ito.
Dahil hindi gawa sa Pilipinas ang mga ito, malinaw na ang ginamit na batayan sa paggawa nito ay ang anggulo ng liwanag ng araw (bawat bansa ay mayroong iba’t ibang oras ng pagliwanag ng araw at oras ng pagdilim).
Ang tinted visor ay maaa-ring hindi ginawa para sa liwanag ng araw sa Pilipinas.
Ang mga bagong brand ay hindi komportableng gamitin kapag alas-7 ng umaga at alas-4 o alas-5 ng hapon dahil naaapektuhan nito ang paningin ng nagmomotorsiklo.
Kulang ang liwanag sa kalsada sa mga nabanggit na oras kaya nahihirapan ang mga gumagamit ng mga ito na makita ang daan.
Mas makabubuti kung ang pipiliing helmet ay maliwanag, mayroong anti-scratch at gawa sa impact resistant polycarbonate.
Ang polycarbonate ay ang pagbabago sa paggawa ng helmet shield. Gawa ito sa malinaw subalit matigas na plastik.
Ang kaibahan nito sa ibang helmet ay ang pagiging maliwanag ng face shield kaya mas madaling makita ang mga maliliit na bato at iba pang nakakalat sa kalsada.
May kabigatan ang mga bagong helmet dahil kailangan ito upang mas maging matigas at hindi kaagad mabasag.
Halos hindi na nagbago ang itsura ng helmet sa nakaraang limang taon.
Ngayon mas mabenta ang sporty look. – Lito Bautista, Leifbilly Begas
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ba kayo sa artikulong ito? Nakatulong ba ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)