Akhuetie napiling NCAA Player of the Week

HINDI puwedeng isantabi ang markang iniwan ni Bright Akhuetie para kilalanin ang dayuhang manlalaro ng University of Perpetual Help bilang kauna-unahang ACCEL Quantum at 3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.

Unang linggo pa lamang ang naidaos sa pinakamatandang collegiate league sa bansa pero nagpasikat na ang rookie na si Akhuetie nang itala ang pinakamabangis na iskor ng isang manlalaro sa loob ng mahabang panahon.

Tumipa si Akhuetie ng 44 puntos bukod sa 19 rebounds sa 27 minutong paglalaro para igiya ang Altas sa 77-69 panalo sa College of St. Benilde noong Biyernes.

May tig-dalawang blocks, assists at steals pa ang isa sa dalawang dayuhang manlalaro ng Altas para kunin ang ikalawang sunod na panalo at makapantay sa liderato ang San Beda at Letran.

“What I want to do is to help my team win. I don’t care if I score a lot or do other things as long as my team wins,” wika ni Akhuetie na nag-average ng 26.5 puntos at 15 rebounds sa dalawang laro.

Ang kakampi niyang si reigning NCAA season MVP Earl Scottie Thompson ay nagtala rin ng kauna-unahang triple-double sa torneo sa laban sa Blazers habang si Arthur dela Cruz ay nagkuminang din sa naunang dalawang panalo ng Red Lions.

Ngunit nagkaisa ang mga kumokober sa NCAA na igawad kay Akhuetie ang parangal dahil ito na ang pinakamataas na output ng isang manlalaro sa liga matapos ang 48 puntos ni John Wilson nang nanalo ang Jose Rizal University sa St. Benilde rin, 95-85, noong Agosto 26, 2009.

Read more...