KUMARIPAS si John Chicano sa una sa tatlong ikot na run leg para pagharian ang Tri United 2 na pinaglabanan sa pinaigsing race course sa Playa Laiya sa San Juan, Batangas kahapon.
Sa long distance triathlon na 2k swim, 60k bike at 15k run pero dahil malakas ang alon kaya’t nagdesisyon ang nagpapalaro na Bike King na pag-aari ni Raul Cuevas na huwag nang ituloy ang swim event. Kahit sa sprint distance na 750m swim, 20k bike at 5k run ay wala na rin ang swim leg.
Si August Benedicto ang siyang nakaungos ng bahagya sa bike pero sa unang ikot sa run ay namayagpag na si Chicano tungo sa panalo.
“Maganda ang takbo ko at sa unang loop ay nakalamang na ako at maintain na lang ang ginawa ko,” wika ni Chicano na naorasan ng 2:29:36.
Kapos ng mahigit na apat na minuto si Benedicto sa 2:33:46 habang si Ben Rana, na tulad nina Chicano at Benedicto ay mga triathletes na suportado ng Unilab Active Health, ang pumangatlo sa 2:35:45.
Halagang P10,000, P6,000 at P4,000 ang nakuha ng tatlong nangunang elite male triathletes sa nakuhang puwesto.
Walang elite female ang pinaglabanan dahil ang natatanging nag-entry na si Anna Stroh ay may inindang right knee injury.
Umabot sa 800 triathletes ang sumali at ang nakararami ay nagsukatan sa iba’t-ibang age group categories sa karerang may ayuda pa ng ULAH, Landco, Enervon Activ, Hydrite, Enervon HP, ORBEA, Pocari Sweat, Saucony, TIMEX, Playa Laiya, WeatherPhilippines, SwimBikeRun.ph, Multisport Magazine, RaceDay Magazine at SPIN.ph.