TINABUNAN ni Irish Mae Wong ang kabiguang inabot sa 2014 Batang Pinoy sa larangan ng cycling nang nanalo na ng tatlong ginto sa mas mataas na kompetisyon na 2015 Philippine National Games (PNG) Luzon Qualifying.
Ang tubong Olongapo na si Wong, na nanalo lamang ng tansong medalya sa criterium event sa Batang Pinoy noong Disyembre sa Bacolod, ay kuminang sa pagkakataong ito sa 56-kilometrong road race at sa 10km Individual Time Trial sa edad na 15-17 at 15-20 anyos.
Naorasan si Wong ng dalawang oras at 20 minuto para pagharian ang 56-km road race at may 28 minuto at 39 segundo na pinakamabilis sa dalawang karegorya sa ITT upang masama sa hanay ng mga multi-gold medalist sa PNG qualifying event na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Kasabay ni Wong na kuminang ay ang beteranong swimmer na si Maurice Sacho Ilustre na ipinakita uli na siya ang panghinaharap na tanker ng bansa.
Nanalo ng pitong ginto sa idinaos na Palarong Pambansa noong Mayo lamang, si Ilustre ay kumubra rin ng pitong ginto sa pool event na natapos kahapon.
Ang 16-anyos na tinawag ng mga katunggali na ‘halimaw’ dahil sa bangis sa paglangoy ay nagkampeon sa 50m, 100m, 200m, 400m at 1,500m freestyle bukod sa pangunguna sa 100m at 200m butterfly events.
Si Ilustre na mag-aaral ng La Salle-Zobel at Wong ay magbabalik sa susunod na taon para sukatin ang galing laban sa mga kasapi ng national team sa PNG National Finals.