Alaska winalis ang Star

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Rain or Shine
(Game 3, best-of-five semis)

TULUYANG umusad sa Finals ang Alaska Aces matapos sibakin ang Star Hotshots, 82-77, sa Game Three ng kanilang 2015 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinal round kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Si Romeo Travis ay nagtapos na may 19 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Alaska.

Si Vic Manuel ay nagdagdag ng 14 puntos habang sina Rome Dela Rosa at Cyrus Baguio ay nag-ambag ng tig-11 puntos para sa Aces.

Si James Yap ay gumawa ng 20 puntos habang si Marqus Blakely ay may 15 puntos para pamunuan ang Hotshots, na nabigong maidepensa ang huling titulong nakamit sa kanilang Grand Slam season.

Makakaharap ng Aces sa Finals ang magwawagi sa semis series sa pagitan ng San Miguel Beermen at Rain or Shine Elasto Painters.

Samantala, nakatuon ang pansin ng Rain or Shine at San Miguel Beer sa 2-1 kalamangan sa kanilang pagtutuos sa Game Three ng kanilang best-of-five semifinals series mamayang alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum.

Kapwa nagpamalas ng pambihirang kakayahan na makabalik sa malalaking kalamangan ang Beermen at Elasto Painters sa unang dalawang laro ng serye.

Nakabalik ang San Miguel Beer buhat sa 24 puntos na abante ng Rain or Shine upang magwagi sa Game One, 101-95, noong Huwebes. Bumuwelta naman ang Elasto Painters sa 20 puntos na bentahe ng Beermen upang makuha ang Game Two, 113-110, noong Sabado.

“Only God can script a game like that,” ani Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao matapos na magwagi sa Game Two at maibaba ang serye sa best-of-three.

Angat pa ang San Miguel ng apat na puntos papasok sa huling minuto ng laro nang maitabla ng Rain or Shine ang iskor, 110-all, sa baskets nina Wendell McKines at Gabe Norwood.

Matapos ang timeout ni San Miguel Beer coach Leovino Austria ay naagawan si Marcio Lassiter at naging daan ito para sa game-winning three-point shot ni Jeff Chan may 7.6 segundo ang nalalabi.

Binuhat ng 6-foot-4 na si McKines ang Elasto Painters sa kanyang balikat nang siya ay magtala ng conference-high 53 puntos bukod sa 17 rebounds, limang assists, limang blocked shots at dalawang steals.

Ang iba pang Rain or Shine locals na nagtapos nang may double figures sa scoring ay sina JR Quinahan (11 puntos) at Jireh Ibanes (10).

Hindi nakapaglaro sina Beau Belga at Jervy Cruz na kapwa may injury.

Ang San Miguel Beer ay pinangunahan ni Arizona Reid na nagtala ng 33 puntos subalit nagmintis ng ilang one-on-one plays sa dulo. Si Lassiter ay nagdagdag ng career-high 31 upuntos subalit nasayang nang ipaagaw niya ang bola sa endgame.

Ang iba pang inaasahang bubuhat sa San Miguel Beer ay sina reigning Most Valuable Player June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Gabby Espinas.

Kapwa nais ng Beermen at Elasto Painters na makarating sa Finals sa ikalawang pagkakataon sa season na ito. Ang San Miguel Beer ay nagkampeon sa Philippine Cup samantalang sumegunda ang Rain or Shine sa Talk ‘N Text sa nakaraang Commissioner’s Cup.

Read more...