HEAD coach, player, team owner at ngayon ay team manager!
Ito ang mga katungkulan ngayon ng boxing icon na si Manny Pacquiao sa daigdig ng basketball.
Actually ay minsan na ngang napagsama-sama ni Pacquiao ang mga papel na ito sa isang koponan noong kalahok pa sa Liga Pilipinas ang kanyang koponan.
Pero simula noong nakaraang taon ay hindi na niya ito pinagsama-sama muna. Sa halip ay nagpakasya na lang muna siya bilang head coach at paminsan-minsan ay player nang sumali ang KIA sa PBA.
Actually, more ‘on paper’ lang si Pacquiao bilang head coach. Kasi nga’y mas maraming oras siyang ibinibigay sa kanyang propesyon bilang boksingero at kongresista.
Sa umpisa ng paglahok ng KIA sa PBA, si Glenn Capacio ang nagsilbing chief deputy ni Pacquiao. Pero pagkatapos ang Philippine Cup ay hinalinhan ni Chito Victolero si Capacio bilang assistant coach ni Pacquiao.
At tila mas naging successful si Victolero kung bibilangin ang bilang ng mga panalong naitala ng KIA. Kasi nga, sa Philippine Cup ay minsan lang nagwagi ang KIA pero nadagdagan ito sa Commissioner’s Cup. Sa Governors’ Cup ay nakalimang panalo ang KIA kaya lang ay hindi nakarating sa quarterfinals dahil sa mas mababang quotient sa tiebreak.
Dumalang naman ang pagpapakita ni Pacquiao sa PBA dahil sa inasikaso niya ang paghahanda sa nakaraang laban kontra Floyd Mayweather Jr.
Halos apat na games nga lang ang nalaro ni Pacquiao sa kabuuan ng season ng KIA. At hindi mahabang playing time ang kanyang inilagi sa hardcourt.
Bukod sa commitment ni Pacman sa KIA, naging abala rin siya bilang team owner sa PBA D-League kung saan inilahok niya ang MP Hotel Warriors.
Sa unang sali ng Warriors ay halos kinapalooban ito ng mga manlalarong taga-lalawigan. Pero sa nakaraang Foundation Cup, kinuha ng MP Hotel ang nucleus ng Letran Knights ng NCAA.
Kaya lang ay hindi rin maganda ang kanilang naging performance. Kasi nga’y collegiate team ang kanilang nucleus. At bago rin ang kanilang naging head coach na si Luis Jose Gonzales.
Hindi natin alam kung magbabalik ang MP Hotel sa susunod na torneo ng PBA D-League bagamat may indikasyon na malamang na maging regular member ito.
Ito ay bunga ng pangyayaring tinanggap ni Pacquiao ang alok ng Letran College na maging team manager ng Knights.
Ito ay dahil sa ang head coach ng Knights ngayon ay si Aldin Ayo na isa sa mga assistant coaches ng KIA. Pinalitan ni Ayo si Caloy Garcia bago nagsimula ang season. Kung magugunita, si Ayo ay isa ring Knight na naging kakampi ni Kerby Raymundo noong araw sa ilalim ni coach Louie Alas.
Magandang balita ito hindi lang para sa Knights kundi para sa kabuuan ng NCAA. Biruin mong paminsan-minsan ay madadalaw sila ni Pacquiao.
Hindi nga lang natin alam kung hanggang saan aabot ang Knights ngayon. Kasi parang walang matibay na big man ang Knights, e.
Kumbaga’y nanganganay pa lang si Ayo at nagsisimulang maghanap ng mga piyesang magagamit sa mga susunod na season. Sana ay pang-matagalan din ang pagiging manager ni Pacquiao!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.