Pagbagsak ni Napoles nahulaan

janet napoles
Nagkatotoo umano ang hula sa inaakusahang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles na babagsak ito.
Ayon sa whistleblower na si Benhur Luy ang manghuhula na si Flor ang nagtext sa kanya na babagsak ang JLN Corp.
Sa pagdinig kaso ni Napoles kahapon, sinabi ni Luy na nagkaroon ng pagpupulong noong Disyembre 19, 2012 kaugnay ng backlog ng kompanya sa koleksyon nito sa mga transaksyong may kaugnayan sa maanomalyang paggamit ng pork barrel funds.
Nakipag-ugnayan umano si Luy sa isang Mike mula sa Masbate para sa pagbibigay ng mga fertilizer.
Hindi sumagot si Luy kaya kinuha umano ni Napoles ang kanyang cellphone upang tignan kung tama ang numero nito.
Binuksan umano ni Napoles ang mga text message sa cellphone ni Luy at dito niya nakita ang text ng manghuhula. Nagalit umano si Napoles dahil ang akala nito ay nagtatraydor si Luy sa kanya at gumagawa ng sariling transaksyon sa tulong ni Flor.
Iniutos ni Napoles na ikulong si Luy na tumagal ng tatlong buwan. Siya ay nailigtas naman ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation noong Marso 2013.
Hindi naman itinanggi ni Luy na kumita siya sa mga transaksyon ng hindi nalalaman ni Napoles.
Nakipagsabwatan umano siya kay Pauleen Labayen, na deputy chief of staff ni Sen. Jinggoy Estrada.
Pinangakuan umano siya ni Labayen ng dalawang porsyento (P700,000) sa kanilang P35 milyong transaksyon.
Umabot lamang umano sa P150,000 ang kanyang natanggap dahil ipinakulong na siya ni Napoles.

Read more...