Barge tumagilid sa Antique, 30 tripulante mapalad na nasagip

NASAGIP ang 30 triplante ng isang barge na itinagilid ng malalakas na alon sa bahagi ng dagat na malapit sa Bugasong, Antique, Huwebes ng gabi.

Walang nasugatan sa mga tripulante, na pawang mga dinala sa elementary school ng Brgy. Sabang matapos masagip, sabi ni Senior Inspector Juvy Cordero, hepe ng Bugasong Police.

Tumagilid ang barge na pag-aari ng DNC-Ceri malapit sa baybayin ng Brgy. Sabang dakong alas-6:30, sabi ni Cordero nang kapanayamin sa telepono.

Nagbababa noon ang barge ng mga construction material, kabilang na ang saku-sakong semento at graba, na gagamitin sa pagtatayo ng isang simbahan sa Brgy. Guisijan, Laua-an, aniya.

Napag-alaman na ang barge ay galing pa sa Semirara Island ng bayan ng Caluya at ang mga karga nitong construction materials ay donasyon sa simbahan.

“Nagkaproblema ‘yung barge dahil malalakas na ‘yung alon, may hangin. Nasira ‘yung barge tapos yung lubid na gamit nito kumalas, then tumagilid na,” ani Cordero.

Pinaniniwalaan din aniya na sobrang bigat ng karga ng barge kaya ito nasira.

“Kaya siguro nasira dahil dun sa mga mabibigat na construction materials sa loob, pagewang-gewang ‘yung barge eh,” ani Cordero.

Read more...