UMABOT na sa 38 ang bilang ng mga nasawi sa tumaob na MB Nirvana sa Ormoc City habang 15 pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard.
Sa kabuuan ay nasa 134 na ang nailigtas.
Ayon kay Coast Guard spokesperson Commander Armand Balilo, 187 lahat ang sakay ng bangka, 173 dito ang mga pasahero at 14 ang crew.
Kaalis pa lang sa Port of Ormoc ang bangka patungong Camotes Island sa Cebu nang ito ay hampasin ng malakas na alon. Katunayan malapit lang sa pantalan nang tumaob ito.
Bahagyang tumagilid ang bangka kaya nagpanic ang mga pasahero at nagpuntahan sa kabilang bahagi, doon na mabilis na tumaob ang bangka.
Sa pahayag ng mga nakaligtas na pasahero, walang nakatalon na sakay ng bangka dahil sa sobrang bilis ng pangyayari.
Hawak na ng Coast Guard ang kapitan at crew ng bangka para sa imbestigasyon.
Hindi rin itinanggi ng Coast Guard na “human error” ang nakikitang dahilan kung bakit nga tumaob ang bangka. Sa inisyal na impormasyon ng PCG, hindi naman masasabing overloaded ang nasabing bangka.