Dam ba ang may kasalanan?

YAN na naman ang sisisihin sa malawakang pagbaha sa Pangasinan.  Ang San Roque Dam ay matagal nang nariyan, naglilingkod sa magsasaka, sa bayan.  Kapag kritikal na ang dami ng tubig sa anumang dam sa buong mundo, kailangang bawasan na ang tubig nito.
Ang pagbabawas ng tubig ng dam ay di lamang nangyayari sa Pilipinas.  Sa US, nagbabawas din ng tubig ang mga dam na aapaw na, pero halos walang nabibiktima ng baha dahil meron silang sistema kapag may dam.
Sa ilalim ng sistema, kailangang walang naninirahan sa kritikal na daluyan ng tubig kapag nagbawas ng imbak ang dam.  Kailangan alam ng mga residenteng malayo sa daluyan ng tubig ang peligro na maaari silang abutin.  Kailangan hindi marami ang residente, para madali silang makalilikas sa anumang oras na magbabala ang tagapagsalita ng dam.
Huwebes ng gabi pa lang, pinalilikas na ng isang mayor ang kanyang mga nasasakupan na babahain.
Hindi sila lumikas.  Biyernes ng umaga, nasa bubong ng bahay ang mga residente, na binansagan ni mayor na “matitigas ang ulo.”
Maliban sa mga nasa Batanes, walang paghahanda ang bawat pamilya sa parating na bagyo.  Sa Batanes, na madalas binabagyo, walang nagugutom, tumagal man ang bagyo.  Wala ring namamatay dito, kahit sunud-sunod an Signal 3 ang dumating.
Dahil handa sila.

BANDERA Editorial, 100909

Read more...