KAILANGAN pa bang gugulan ng taumbayan ang ikinakasang pagbusisi ng Kamara sa malaki at malawak na baha sa Laguna Lake, na puminsala sa 20 bayan at nagtulak sa pagiging miserable sa may 2.2 milyon residente? O wala naman talagang magagawa ang taumbayan dahil, sa ayaw at sa gusto nila, kailangang pasanin ni Juan de la Cruz ang luho ng Kamara, maging ito’y sunud-sunod na impeachment o mga walang kuwentang pagkilala’t pasasalamat, na puwede namang wala na? Nakapagtataka, na hanggang ngayon ay hindi pa alam ng Kamara ang sanhi ng delubyo sa Laguna Lake, gayung matatalino sila’t mga pantas. Di ba’t kapag umapaw ang lawa ay wala nang daluyan ang tubig? Di lang barado, kundi talagang wala nang daluyan dahil malawak na tabing lawa ang sinemento para pagtayuan ng mga pabrika, subdivision, kabahayan at mga bagong barangay. Ang sobrang tubig ay sinisipsip ng lupa, at di ng semento ng mga pabrika, subdivision, kabahayan at mga bagong barangay. Ano sa palagay mo, kaibigang di mambabatas?
BANDERA Editorial, 100809