Mga Laro Bukas
2 p.m. EAC vs San Beda
4 p.m. SSC-R vs Mapua
BINUHAY ng nagdedepensang NCAA MVP Earl Scottie Thompson ang opensa ng Perpetual Help para bitbitin ito sa come-from-behind 70-61 win kontra Lyceum sa pagpapatuloy ng 91st NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena, San Juan City.
Si Thompson, na kasapi ng pambansang koponang nanalo ng ginto sa Singapore Southeast Asian Games, ay tumapos na may 12 puntos at 10 rebounds. Siya rin ang nagpasiklab sa 16-4 endgame run kung saan umiskor siya ng pitong puntos.
Matapos sumablay ang naunang anim na triples na pinakawalan ay sinuwerte si Thompson na pumasok ang ikapitong buslo para maitabla ang laro sa 57-all.
Nasundan ito ng nakumpletong 3-point play laban kay Wilson Baltazar bago ang kanyang steal tungo sa dalawang free throws ang nagbigay sa Altas ng 64-57 bentahe sa huling isa’t-kalahating minuto sa labanan.
“Mahina ang first half ko dahil foul trouble ako. Pero sa huli ay kinausap ako ni coach (Aric del Rosario) at mag-take charge na raw ako at sinubukan ko,” wika ni Thompson.
Ang import na si Prince Eze ay mayroong 21 puntos at 10 rebounds habang ang kapalitan na si Bright Akhuetie ay may 11 boards pa upang dominahin ng Altas ang rebounding, 59-39.
Si Shaq Alanes ay mayroong 13 puntos para pangunahan ang apat na manlalaro ng Pirates na kinapos para mabigo ang bagong lipat na mentor na si Topex Robinson sa hinangad na panalo.
Samantala, agresibong laro sa magkabilang dulo ng court ang ginamit ng Letran para sa 82-53 demolisyon sa St. Benilde para sa unang panalo sa NCAA ng dating champion player ng Knights na si coach Aldrin Ayo.
Sina Mark Cruz, Kier Quinto, Rey Nambatac at Jomari Sollano ay umiskor ng pinagsamang 51 puntos para sa Letran. —Mike Lee