NCAA Season 91 juniors basketball lalarga

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 nn. San Beda vs Mapua (jrs)
2 p.m. Jose Rizal vs Arellano (jrs)

MAGKAKASUKATAN agad ang dalawang premyadong juniors team sa NCAA sa pagtutuos ng San Beda College at Mapua Institute of Technology sa pagsisimula ng 91st NCAA juniors basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-12 ng tanghali at susundan ito ng pagkikita ng Jose Rizal University at Arellano University dakong alas-2 ng hapon.

Tinalo ng Red Cubs ang Red Robins noong nakaraang taon sa tatlong laro sa finals para kunin ang ika-21 juniors title at iwanan sa ikalawang puwesto ang Mapua na may 20 titulo.

Maraming bagong manlalaro sa San Beda at ito ang nakikita ni coach JV Sison na siyang hamon sa koponan.

“Maraming nawala sa amin at kailangang makita pa ang team kung paano nila tatanggapin ang hamon,” wika ni Sison na hanap ang makasaysayang ikaanim na sunod na titulo kung palaring magdomina sa season.

Tiyak na handa ang Mapua na ipakita ang kakayahang pigilan ang Red Cubs pero alam ni coach Randy Alcantara na dadaan sila sa butas ng karayom dahil solid ang programa sa basketball ng San Beda.

Magarang panimula rin ang hanap ng Light Bombers sa Braves upang maiparamdam ang kakayahang mahigitan ang pang-apat na puwestong pagtatapos noong nakaraang season.

Read more...