Star Hotshots pasok sa semis

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Meralco

TULUYANG binalewala ng Star Hotshots ang twice-to-beat advantage ng Globalport Batang Pier matapos manaig sa kanilang do-or-die quarterfinals game, 101-94, para umusad sa semifinals ng 2015 PBA Governors’ Cup kahapon sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Si Marqus Blakely ay gumawa ng triple-double sa itinalang 15 puntos, 16 rebounds at 11 assists para pamunuan ang Hotshots na napanatiling buhay ang pagkakataong maidepensa ang natitirang titulo mula sa kanilang Grand Slam championship noong nakaraang season.

Galing sa 53 puntos na tambakang panalo noong Biyernes, mukhang patungo muli roon ang Star matapos itala ang 21 puntos na bentahe, 39-18, sa kalagitnaan ng ikalawang yugto.

Subalit nagawang makabangon ng Batang Pier matapos nilang dahan-dahang tapyasin ang malaking kalamangan bago tuluyang itabla ang laro sa 56-all may 3:47 ang natitira sa ikatlong yugto at saglit agawin ang bentahe.

Matapos na itabla ng Globalport ang laro sa 74-all mula sa triple ni Terrence Romeo, biglang rumatsada ang Hotshots para muling iwanan ang Batang Pier sa ginawang 18-5 run para itala ang 92-79 kalamangan may tatlong minuto ang nalalabi.

Si Alex Mallari ay kumana ng 17 puntos at 13 rebounds habang si James Yap ay nag-ambag din ng 17 puntos at walong rebounds para sa Hotshots.

Si Peter June Simon ay nagdagdag naman ng 14 puntos para sa Star na naging ikapitong koponan na nakabangon buhat sa twice-to-beat bentahe ng katunggali.

Makakaharap ng Star  ang Alaska Aces sa best-of-five semifinal series.

Pinamunuan ni Jarrid Famous ang Batang Pier sa kinamadang 38 puntos at 21 rebounds habang sina Stanley Pringle at Romeo ay nag-ambag ng 16 at 15 puntos.

Read more...