JOHN LLOYD mang-aagaw, sinulot ang pelikula ni SAM

Naglaway-laway daw sa role niya sa ‘The Mistress’

NGAYONG umaga (10:30  a.m.) ang grand presscon ng “The Mistress” nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo at siguradong puputaktihin ang actor ng mga tanong tungkol sa real score sa kanila ni Angelica Panganiban – ‘yan ay kung magsasalita na nga siya hinggil sa issue.

In fairness naman kay Lloydie kapag gusto na niyang magsalita tungkol sa mga kinasasangkutan niya ay talagang nagsasalita siya maski na pinipigilan siya ng Star Magic at diyan kami saludo sa aktor.

‘Yun nga lang, pag hindi pa niya feel magkuwento, talagang hindi siya mapipilit.

Hindi katulad ng ibang aktor na tadtad na ng isyu ay hindi pa rin nililinaw at tumatakas pa sa media para hindi sila matanong, kaya hindi kami nagtataka kung bakit hindi sila gaanong mahal ng entertainment press katulad ng kay Lloydie na maski kaliwa’t kanan ang negatibong nasusulat ay marunong siyang bumati at ngumiti.Anyway, may isa pang isyung dapat sagutin si John Lloyd tungkol sa role niya sa “The Mistress”, dapat sana ay kay Sam Milby ito pero nilambing niya si direk Olive Lamasan na sa kanya na lang ibigay ang proyekto dahil gustung-gusto niya ang role.

Matatandaang kay Sam unang inalok ito ni direk Olive kasama si Bea at pangalawang team-up sana nila ito pagkatapos ng pelikulang “And I Love You So” na idinirek naman ni Laurenti Dyogi.

Pero biglang pinatawag na si Sam sa Hollywood para sa auditions, at that time ay wala pa ring nakuhang ipapalit sa aktor hanggang sa bumalik na siya ng Pilipinas at sinabi niyang puwede na niyang gawin ang movie, pero nasabing may napili na, si John Lloyd nga.

At naikuwento sa amin ng isang taga-Dos na mismong si Lloydie nga raw ang humiling at naglambing na sa kanya na lang ibigay ang role na isang martyr na boyfriend ni Bea.

In fairness, wala rin naman kaming masabi sa tambalang Lloydie at Bea dahil talagang malakas pa rin sila at sino ba naman makakalimot kina Basha at Popoy ng “One More Chance” noong 2007 na talagang humagulgol ang lahat ng mga nanood at magang-maga ang mga mata paglabas ng sinehan.

At sinundan pa ito ng “Miss You Like Crazy” taong 2010, pero tila hindi nito nalampasan ang kinita ng “Once More Chance”.

Kaya malaking pressure muli kina Bea at Lloydie ang “The Mistress”, ito na kaya ang sumira sa ginawa noon nina Basha at Popoy?

Samantala, makakasama rin nina Lloydie at Bea sa movie sina Hilda Koronel at Ronaldo Valdez mula sa Star Cinema na mapapanood na sa Sept. 12.

Read more...