Lumang love songs na karamihan ay personal na pinili ng Teen King na si Daniel Padilla ang laman ng kanyang pinakabagong album mula sa Star Music – ang “I Feel Good – na masasabi rin niyang pinakapaboritong album na ginawa niya.
“Ever since bata pa ako, talagang mga lumang kanta na ang pinapakinggan ko, hanggang ngayon. So masasabi ko ang album na ito ang pinaka-nag-enjoy akong gawin,” pahayag ni Daniel.
Ang ilan sa mga kantang ito ay inawit na ni Daniel nang live sa kanyang pinakahuling concert na “Daniel Most Wanted,” kabilang na ang “Isn’t She Lovely” ni Stevie Wonder, “How Sweet It Is (To Be Loved By You)” ni James Taylor, “Moon River” ni Andy Williams, at “I Got You (I Feel Good)” ni James Brown.
Kasama rin sa track list ng “I Feel Good” ang swabeng versions ni Daniel ng “My Girl,” “Isn’t She Lovely,” “Knocks Me Off My Feet,” “For Once in My Life,” “Morning Girl,” at “Handog.”
Mapapakinggan din dito ang bersyon ni Daniel ng “Pangako Sa ‘Yo,” ang theme song ng top-rating teleserye nila ni Kathryn Bernardo, at ang chart-topper na “Simpleng Tulad Mo.” Ang “I Feel Good” ang ikaapat na album ni Daniel mula sa Star Music, at ito ay mabibili sa record bars nationwide.
Samantala, abangan din ang mga susunod na eksena sa trending series na Pangako Sa ‘Yo sa Primetime Bida. Ngayong magbabalik na si Amor Powers (Jodi Sta. Maria), anu-ano ang gagawin niyang hakbang para makapaghiganti kina Claudia (Angelica Panganiban) at Eduardo Buenavista (Ian Veneracion).
At siyempre, kaabang-abang din ang magiging relasyon nina Angelo (Daniel) at Yna (Kathryn) na susubukin ng mga pagsubok dahil sa away ng kanilang pamilya.