Katawan ng nawawalang bank teller natagpuan sa isang mababaw na hukay sa Angeles City

missing-bank-teller-2
NATAGPUAN ang katawan ng nawawalang bank teller sa isang mababaw na hukay sa likuran ng isang bahay sa Barangay Balibago, Angeles City kahapon ng madaling araw.
Naging viral sa social media ang litrato ng biktimang si Tania Camille Dee, 33, isang bank teller sa Binondo, Maynila, matapos siyang mawala noong Hunyo 21, isang araw matapos siyang pumunta sa Angeles City para makipagkita sa kanyang dating asawa na si Fidel Sheldon Arcenas.
May dalawang anak si Dee.
Ganap na alas-9 ng gabi noong Sabado, sinabi ni Regina Dychioco sa Pampanga Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) na sinabihan siya ng kanyang anak na si Angela, na maaaring patay na si Dee.
Si Angela ay girlfriend ni Arcenas. Sinabi umano ni Angela sa kanyang nanay na maaaring inilibing si Dee sa likuran ng bahay na inuupahan ni Dychioco sa Lilian st., Sta. Maria Subdivision.

Idinagdag ni Dychioco sa pulis na hiniram ng kanyang anak at ni Arcenas ang mga susi sa bahay ilang linggo na ang nakakaraan.
Sinabi pa ng nanay na ibinalik ni Arcenas ang mga susi noong Hunyo 26.

Ganap na ala-1 ng umaga kahapon nang mahukay ang katawan ng isang babae na nakalibing sa hukay na may lalim na isang metro sa likuran ng bahay.
Nakasuot ang babae ng maong at striped na t-shirt. Nakatakip ang kanyang ulo ng isang tuwalya at isang plastic garbage bag.

Positibo namang kinilala ng mga kamag-anak ng biktima ang katawan ni Dee matapos silang pumunta sa lungsod kahapon.
Sinabi nila sa mga pulis na pumayag si Dee na makipagkita kay Arcenas noong Hunyo 20 matapos pangakuan siya ng lalaki na bibigyan ng kotse.
Pinuntahan naman ng mga miyembro ng CIDT si Arcenas sa kanyang bahay sa Carmenville Subdivision sa Barangay Cutcut, Angeles City para maimbestigahan, ngunit hindi ito naabutan. Inquirer.net

Read more...