INABOT ng pitong taon bago nakagawa ulit ng napakaespesyal na episode ang tinaguriang Best Actor of his Generation na si John Lloyd Cruz sa Maalaala Mo Kaya.
Huling napanood si JLC sa longest drama anthology in Asia, hosted by Charo Santos sa episode nila ni Alessandra de Rossi where he played the role of a schizophrenic.
“Bakit natagalan? Madalas kaming magkita-kita sa ABS-CBN (ng mga bossing ng network). Madalas akong manghingi ng, ‘O, ano’ng istorya ninyo diyan na ginagawa?’ Siguro hindi lang nagsaswak, hindi lang schedule, e, siguro hindi lang nagswa-swak ‘yung energy,” bungad ni JLC nu’ng bisitahin namin sa taping ng MMK sa Morong, Bataan last Thursday.
Pero syempre, kasama na rin daw diyan ang planning, “So, ganoon, e, parang, kaya siguro siya tinawag ni Mico (del Rosario, Star Creatives promo head) na special. It is really special in that sense kasi parang arena ang MMK, e.
Para kayong gladiators, parang kapag hinulog kayo diyan, sige, perform ka, ibigay mo.” Hindi raw niya alam kung paano magtrabaho ang iba, pero siya raw nakailang meeting na siya with MMK para sa bawat isang episode na gagawin niya.
“Siguro dahil part na rin ng ano…dahil matagal na tayo sa industriya, kung anuman ‘yung gagawin mo parang ‘yung desire mo to…(hindi naman maging perfectionist), pero ‘yung desire to be almost certain na maayos ‘yung io-offer mo because para kang nagma-market ng pelikula, ‘di ba? Lalabas kami sa MMK, parang hindi ka pwedeng magbibigay ng…‘Ah, yeah, ‘Yun na ‘yon.’”
Gagampanan ni JLC ang karakter ni Tarik, isang anak na ninais kalimutan ang kanyang nakaraan dahil sa labis na kalungkutan na dinanas ng kanyang ina na si Espie (Agot Isidro) nang masira ang kanilang pamilya sa MMK na mapapanod na ngayong gabi pagkatapos ng The Voice Kids.
Sa pagkawalay nila ng kanyang ina, sinubukan ni Tarik na talikuran ang lahat ng mapapait na alaala ng kanyang kabataan sa kabila ng malaking kakulangan na kanyang nararamdaman.
Pero nabago ang buhay ni Tarik nang nagdesisyon siyang hanapin ang kanyang nanay at nu’ng nakilala niya ang babaeng minahal at naging sandalan niya na si Rea na gagampanan ng ex-loveteam and ex-GF niyang si Kaye Abad.
Huling nagkasama sina JLC at Kaye during Tabing Ilog days pa yata. And what’s a fitting reunion para sa loveteam nila kundi ang isang espesyal na kwento sa MMK.
“Reunion din ang pakiramdam. Also with Direk Eric (FM Reyes). Kasi matagal ko nang hindi nakatrabaho si Direk Eric, e. Pakiramdam ko ano ‘to, e, naging vocal naman ako about this na during my Tabing Ilog years naman talaga nabuo at nag-mature ‘yung appreciation ko para sa art.
So, acting with her now, ang laki ng parang binabalik. Hindi ko maiwasang maalala ‘yung mga kasama ko doon like si Tito Pen (Medina), si Ms. Caridad Sanchez. So, ano lang, ang sarap mag-reminisce,” lahad niya
After ng episode nila ni Kaye, may tatlo pang istorya si JLC na gagawin for MMK, “Yes, we’re doing one about ‘yung destonia, it’s a rare disease. Para siyang LAS, ganyan siya ka-rare at ganoon siya kahirap.
Then, I’m doing one with Bea (Alonzo). ‘Yung isa, pinag-uusapan pa,” aniya. Makakasama nina John Lloyd at Kaye sa MMK tonight sina Harvey Bautista, Marlann Flores, Nico Antonio, Jong Cuenco, Sonjia Calit at Maila Gumila.