SANAY na sanay ang Pinoy na magpasalubong.
Kasi nga naman maliliit na mga bata pa tayo, nasanay tayo sa mga magulang natin na palaging may dalang pasalubong pag-uwi sa bahay.
Madalas bago sila umalis ng bahay, magbibilin ang mga anak ng pasalubong. O di kaya magtatanong naman ang mga magulang kung anong gustong pasalubong pag-uwi nila. Mula sa simpleng meryenda, cake, pansit, prutas hanggang sa mga sorpresang regalo na.
Kapag may darating na mga bisita, may pasalubong. May mga kamag-anak galing probinsiya, may pasalubong. May mga kaibigan galing sa abroad, may pasalubong.
Iyan ang kulturang Pinoy. Sanay tayong magbigay. Masaya tayong nagbibigay. Pero noon yun! Kasi ngayon, naoobliga na ang isang magpasalubong, kahit hindi naman na kaya, pilit na kinakaya. Gagawa at gagawa ng paraan makapag-abot lamang kahit maliliit na mga bagay.
E, di lalo pa pag nagkapera na! Hahaluan pa ng konting yabang!
Matinding kombinasyon yan lalo na sa a-ting mga OFW. Sila lang kasi ang palaging umaalis at dumarating.
At ibang-iba nga naman kasi ang dating’ kapag nag-aabroad. Kapag sa probinsiya, Big Time na sila. Siyempre dating walang-wala, biglang nagkaroon nga naman!
Buhay na saksi ang Bantay OCW sa maraming mga kwento ng OFW hinggil sa usaping ito. May mga kakilala kaming OFW, nangungutang sa mga bangko, isinasangla ang kanilang mga pa-saporte, nangungutang sa mga kapwa OFW upang makapagpakain ng buong barangay kapag fiesta sa kanilang probinsiya.
May ilan namang magpapadala ng mala-king halaga upang ipagpagawa ng mga basketball court sa kanilang lugar, o di kaya ay tulay.
Mabuting mga hangarin pero kahit hindi naman kaya ay pinipilit na magpakabayani hindi lamang sa kanilang mga kapamilya kundi sa kanilang komunidad.
At pag-uwi naman nila para sa isang buwang pagbabakasyon, kalahati nang iuuwing pera ay ibubuhos sa pasalubong.
At dahil diyan, buong panahong pagbabakasyon ng OFW ay nauuwi sa away sa pagitan ng mag-asawa dahil ubos agad ang perang iniuwi.
Pero may ilang mga “wais” tayong kababayan. Sa halip na diretso sa kanilang mga probinsiya ay mananatili na lang sa isang lugar na malayo sa kanilang baryo o barangay.
Wala nang dapat pasalubungan, solo pa ang pamilya, at sulit na bakasyon ‘anya dahil kung gumastos man, todo para sa mga mahal sa buhay.
Pero may payo ang Bantay OCW kung nais ninyong umiwas sa mga kapitbahay, kababaryo o kabarangay, huwag na huwag kayong tutuloy sa inyong mga kamag-anak. Sa panahon ngayon, dapat lang na praktikal kayo.
Kahit anong mangyari, makikisama at makikisama kayo sa tutuluyan. Kailangang mag-abot ng pamalengke sa araw-araw kahit papaano at hindi ninyo todong masosolo ang pamilya.
Mabuti pang humanap ng maaaring ma-tuluyan ng kahit ilang linggo lamang na mura naman at kayang-kaya ng budget. Pwede namang kayo ang bumisita sa ilang mga kaanak at kaibigan.
At makatitiyak kayong mabibigyan ninyo ng espesyal na bakasyon hindi lamang ang inyong mga sarili kundi kasama pa ng inyong mga kapamilya, gamit ang perang pinaghirapan mula sa inyong pag-aabroad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.