First of two parts
SEX scandals sa mga taong-simbahan? Hindi na bago ‘yan.
Kung akala n’yo ay ngayon lang nangyayari ang mga bagay na ito, kailangan n’yo lamang tumingin sa kasaysayan upang malaman na hindi lahat ng mga nagsasabing malalapit sila sa Diyos ay dapat igalang at paniwalaan.
Ayaw n’yong maniwala? Pwes, narito ang ilan sa mga religious leaders na nasangkot sa mga ganitong eskandalo noon at ngayon.
Pope John XII
Si Pope John XII o Octavianus ay nagsilbing Papa mula Disyembre 16, 955 hanggang Mayo 1, 964.Halos simutin ng 18-anyos na papa ang kaban ng simbahan upang masuportahan ang kanyang pagiging adik sa sugal sa tulong ng kanyang mga bayarang tauhan.
Pero ang kanyang pagkagahaman sa laman ang tumapos sa kanyang siyam na taong “paghahari” sa simbahan.
Ayon sa mga kwento, marami ang kanyang kabit na babae na sa dami ay inakusahan siya ng kanyang mga kritiko na ginawa niyang tila bahay-aliwan ang Basilica di San Giovanni sa Lateran Palace.
Adik sa sex kung ilarawan si Pope John XII. Ayon kay Liutprand ng Cremona: “They testified about his adultery, which they did not see with their own eyes, but nonetheless knew with certainty: he had fornicated with the widow of Rainier, with Stephana his father’s concubine, with the widow Anna, and with his own niece, and he made the sacred palace into a whorehouse.”
May ilan din na nagsabi na may ginahasa siyang mga babaeng pilgrim sa loob mismo ng St. Peter’s Basilica.
Isang araw ay nahuli siya sa akto ng asawa ng kanyang kinakalantari.
Sa galit ng lalaki ay binugbog siya nito hanggang siya ay mamatay.
Ni hindi umano nakahingi ng tawad ang papa sa kanyang mga kasalanan o nakatanggap ng sakramento bago siya namatay.
Pope Alexander VI
Si Pope Alexander VI o Rodrigo Borgia ay naging Papa mula 1492 hanggang 1503. Nakuha niya ang puwesto sa panunuhol sa ilang mga kardinal.
Nang koronahan siya bilang papa ay pito na ang kanyang anak sa labas, apat dito ay mula sa kanyang kabit na si Vennozza del Cattanei.
Ito ay sina Giovanni, na naging duke ng Gandia; Cesare; Lucrezia at Goffredo o Giuffre.
Ang iba pang anak ni Alexander VI bagama’t hindi tiyak kung sino ang kanilang mga nanay ay sina Girolama, Isabella at Pedro-Luiz.
Sumunod naman niyang naging kabit ay si Giulia Farnese (Giulia Bella), asawa ng isang Orsini, nang siya ay 64-anyos.
Mayroon siyang isang anak dito, si Laura.
Sa kanyang panunungkulan bilang papa ay alam ng mga taong simbahan at ng buong mundo ang kanyang mga relasyon.
Pope John X
Si Pope John X ay naging papa mula Marso 914 hanggang Mayo 928.
Tinuhog niya ang mag-inang Theodora at Marozia na mula sa isang maimpluwensiyang pamilya.
Ito ang dahilan kung bakit inilarawan siya ni Liutprand ng Cremona bilang “ first of the popes to be created by a woman and now destroyed by her daughter.”
Naging papa si John X sa panahon ng saeculum obscurum o Dark
Age, ang pangalang ibinigay sa kasaysayan ng Papacy mula sa unang kalahati ng 10th century.
Sa panahong ito, sinasabing ang mga papa ay naiimpluwensiyahan ng mga makapangyarihan subalit tiwaling pamilya.
Nagkaroon ng malaking papel si Theodora at ang anak nitong si Marozia sa pagpili ng mga papa at gayundin sa pagpapatakbo ng Roma
Naging karelasyon ni Marozia si Pope Sergius III nang siya ay 15 taon pa lamang at nagkaroon pa ng maraming karelasyon at asawa.
Siniguro niya na ang kanyang anak na si John ay mauupo bilang Pope John XI.
Pinatalsik ni Marozia ang dati niyang karelasyon na si John X na naging papa naman dahil Theodora.
Hindi pa nakuntento, pinakulong pa niya ito at pinapatay.
Pope Benedict IX
Naging papa si Pope Benedict IX noong 1044 hanggang 1048.
Batay sa Catholic Encyclopedia, 18 taon hanggang 20 taon gulang lamang siya nang maging pontiff, pero may ilang tala na nagsasabing siya ay 11 taon o 12 taong gulang lamang nang magsimulang manungkulan.
Inakusahan siya ni Bishop Benno ng Piacenza ng “many vile adulteries.” Inilarawan naman siya ni Pope Victor III sa kanyang ikatlong librong Dialogues ng “his rapes… and other unspeakable acts.”
Dahil sa kanyang pagkatao, napilitan si St. Peter Damian na sumulat hinggil kay Benedict IX kung saan inakusahan niya ito na isang bading. Ilan sa mga kasalanan umano ng papa ay sodomy, pakikipagniig sa mga hayop at pagsasagawa ng mga sex orgies.
Tinagurian naman siya ng historian na si Ferdinand Gregorovius bilang “a demon from hell in the disguise of a priest… occupied the chair of Peter and profaned the sacred mysteries of religion by his insolent courses.”
Noong Mayo 1045 ay nagbitiw si Benedict IX sa kanyang pwesto para magpakasal.
Ibinenta niya ang kanyang posisyon sa kanyang ninong, ang paring si John Gratian, na pinangalanan naman ang sarili na Gregory VI.
(Editor: May tanong, reaksyon o komento sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)