Isko dapat gisahin sa Torre de Manila probe

isko moreno
Dapat umanong ipatawag ng Kamara de Representantes si Manila Vice Mayor Isko Moreno na siyang nakakaa-alam ng kuwento sa likod ng kontrobersyal na Torre de Manila condominium na tinaguriang pambansang photobomber.
Ayon kay BUHAY Rep. Lito Atienza, si Moreno ang siyang presiding officer ng City Council noong panahon ng pamumuno ni Mayor Alfredo Lim at ngayon na si Joseph Estrada ang alkalde ng lungsod, na nakasasaklaw sa pagtatayo ng DMCI Holdings Inc., sa naturang gusali.
“Dapat ang tanungin diyan si Vice Mayor Moreno kung bakit binago ng city council na pinamumunuan niya ang zoning policy sa pagbibigay ng building permit,” ani Atienza. “He (Moreno) should be made to answer why there is a need to require developers and construction companies to get clearance from the city council.”
Binigyan ng building permit ang DMCI upang itayo ang Torre de Manila subalit noong Nobyembre 23, 2014 ay sinuspendi nila ang pagtatayo dahil sa paglabag umano sa local zoning policy.
Pero muling pinayagan ang pagpapatuloy nito ng irekonsidera ng Manila Zoning Board of Adjustments and Appeals at pinagbigyan ang apela ng DMCI.
Nagpalabas naman ng temporary restraining order ang Korte Suprema kaya itinigil ang pagtatayo.
Nagtuturuan si Estrada at Lim kung sino ang dapat na sisihin sa pagpapatayo ng gusali na sinasabing nakakasira kapag nagpapakuha ng litrato sa monumento ni Dr. Jose Rizal.

Read more...