Sadyang nagtago sa pamilya

MAHIGIT dalawang taon na ngayon ang nakararaan nang may lumapit sa Bantay OCW upang hilinging matulungan silang mahanap ang kapamilyang OFW na nawawala. Wala na raw silang komunikasyon dito noon pang 1990.

May 25 taon na ang nakakalipas pero ayaw pa ring tanggapin ng mga kapamilya ng OFW na patay na nga ang kanilang padre de pamilya. Gabi-gabi ay inaasam pa rin ni misis na makikita niyang muli ang asawa.

Isa sa mga manugang niya ang hindi rin pala huminto sa paghahanap. Awang-awa na raw kasi siya sa kanyang biyenan na patuloy na naghihintay at kung talaga bang wala na itong dapat hintayin pa.

Doon nagsimula ang pakikipag-ugnayan niya sa Bantay OCW. Lahat ng posibleng mga record na makapagpapatunay kung nakauwi nga ba sa bansa ang ating kabayan ay ginawa na namin.

Pero wala talagang ebidensiya na nakabalik siya sa bansa. Negative ang record ng Bureau of Immigration sa arrival nang naturang OFW.

Hanggang sa muling nagpadala ng mensahe ang manugang ng OFW na may nakausap siyang kaibigan ng kanyang biyenan.

Sinabi nitong buhay pa umano ang hinahanap nilang kapamilya.

Kwento umano sa kanya ay nagkaproblema ito sa kanyang employer. Naroong hindi sumusuweldo, palipat-lipat ng trabaho at hindi pinapayagang makauwi.

Ngunit sa bandang huli, binanggit nito na may iba na palang pamilya ang kanyang biyenang lalaki. At dahil TNT na rin, walang nang legal na mga dokumento si kabayan, kung kaya’t pinili na lamang niyang manatili doon.

Hindi na rin umano ito nakipagkita pa sa pamilya rito sa Pilipinas dahil nahihiya na raw siya. Kaya’t tuluyan na niyang pinutol ang komunikasyon sa pamilya.

Ganoon lamang ang mga dahilan na nasabi ng kaibigan ng OFW kung bakit 25 taon itong naglaho.

Naniniwala tayo na ginusto ito ng OFW. Anuman ang naging desisyon niya, siya ang pumili noon at ginusto niya iyon.

Pinili ng OFW na ito na tuluyan nang hindi makipag-ugnayan sa kanyang pamilya, sa kung anong dahilan ay tanging siya lamang ang nakakaalam.

Kung nagkaroon nga siya ng problema sa kanyang employer, marami namang mga paraan upang matulungan siya doon na hindi pinuputol ang ugnayan sa pamilya. Sabi nga natin, lahat ng problema may solusyon, kapag walang solusyon, huwag na nating problemahin.

Ang kaso ay talagang sinadya niyang huwag nang humingi ng tulong dahil hindi iyon ang kailangan niya.

Ang masaklap, ang pagkakaroon niya ng ibang pamilya sa abroad ang siyang hindi niya kayang aminin sa pamilyang naiwan dito sa bansa.

Sabagay, ang taong ayaw talagang magpahanap, gagawa at gagawa ng lahat na pamamaraan para hindi makita.

Mabait namang manugang itong ating kabayan na patuloy na nakikipag-ugnayan sa Bantay OCW. Hindi talaga siya sumuko na mabigyan ng kasagutan ang matagal nang paghahahap ng pamilya ng kanyang asawa.

Namomroblema tuloy siya kung papaano sasabihin ang katotohanan sa biyenang babae na patuloy na umaasa sa pagbabalik ni mister.

Sabagay, walang kapalit ang pagsasabi ng katotohanan. Dahil tanging ang katotohanan lamang ang siyang magpapalaya sa kanila.

Read more...