Religious group nakiki-lobby

HABANG nakatutok ang lahat sa kung sino ang susunod na hepe ng Philippine National Police ay naging successful naman ng isang maimpluwensyang religious group na maipwesto ang kanilang manok para sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng PNP.

Ayon sa ating cricket sa Camp Crame, nagawa ng naturang grupo na maibulong sa mga makapangyarihang tao sa Palasyo na maipuwesto ang kanilang bata na kabilang sa PMA Class of 1984.

Personal na ginapang ng ilang top officials ng religious group na ito ang appointment ng isang sikat na rin na chief superintendent para matiyak na sa kanya mapupunta ang pwesto bilang pinuno ng NCRPO.

Kung tutuusin ay pabor din naman sa Malakanyang ang naturang hakbang, lalo na kung si Interior Sec. Mar Roxas nga ang kanilang patatakbuhin sa 2016 dahil honorary member ito ng PMA Class of 1984.

Bukod sa NCRPO, target din ng mga miyembro ng Maharlika Class ang pwesto bilang pinuno ng Intelligence Group, Police Regional Office 3 at 4A na kilala bilang “Jueteng Regions.”

Sa kasalukuyan ay hawak na rin ng Class 84 ang Comptrollership Department na siyang may-hawak sa pondo ng pambansang pulisya.

Performer at mahusay na police official ang ating subject na naka-assign din dito sa Metro Manila.

Pero sana lang ay huwag siyang maging sunud-sunuran sa mga hihingi ng pabor in the future ng naturang church group na mahilig maningil ng utang na loob.

Lord, kayo na po ang bahala sa mga taong ito.

Bukod kasi sa PNP ay lantaran din ang kanilang paggapang para maipwesto ang kanilang mga tauhan sa ilan pang vacant positions sa gobyerno.

Basta kaya ay ibinibigay naman ito ng Palasyo dahil siyempre kailangan nila ng suporta ng makapangyarihang grupong ito para 2016 national at local elections.

Ang Police General na almost sure ay 100% nang magiging pinuno ng NCRPO sa pagreretiro ni Police Dir. Carmelo Valmoria sa July 16 ay si C/Supt. P.J….as in Poging Jockey.

Para sa komento o reaksyon, i-text ang WACKY, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...