SIMULA na ba ng gera?
Ito ang inaabangan ng marami na interesado sa pulitika matapos magbitiw sa Gabinete si Vice President Jejomar Binay.
Ngayon ay malinaw na umano ang pagiging oposisyon ni Binay.
Marami na ang nag-uudyok kay Binay na magbitiw pero kamakalawa nga lang niya ito ginawa, apat na buwan bago ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa 2016 elections.
May mga nagsasabi na napuno na si Binay. Tahasan nang sinabi ni Pangulong Aquino na hindi niya ito ieendorso at hindi pa daw siya inimbita sa pagpupulong ng Gabinete.
At dagdag na sakit pa siguro ang pahayag ni Aquino na nagagawa ni Interior Sec. Mar Roxas ang mga trabaho na inaatas nito sa kanya.
Hindi man tahasang sinabi ni Aquino na si Roxas ang kanyang ieendorso, ang malinaw ay hindi si Binay ang kanyang susuportahan sa eleksyon.
Ano pa nga naman ang gagawin ni Binay sa Gabinete kung hindi na rin naman niya makukuha ang endorsement ni Aquino?
Kung ang mga kaalyado ni Binay ay matagal nang bumabato ng putik sa administrasyon, wala pang nakikitang bato na ipinukol ang Bise Presidente laban kay Aquino. Ito ang inaabangan.
Simula pa lang ay nagdeklara na si Binay na tatakbo sa pagkapangulo. Kaya nga daw kung saan-saan ito nakikita.
May nabalita pa nga minsan na namimigay ng candy na may tatak na Binay.
Ngayong wala na siya sa Gabinete at habang lumalapit na ang eleksyon ay asahan na makikita si Binay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sure na tatakbo siya at mukhang walang indikasyon na siya ay aayaw.
Pero ang tanong, sino ang kanyang magiging running mate?
Napakarami ng pangalan ang lumutang na magiging VP candidate niya pero hanggang ngayon ay wala pa ring kasiguruhan kung sino.
Umayaw na si MVP (negosyanteng Manny V. Pangilinan), hindi rin payag si Manila Mayor Joseph Estrada.
Sino nga kaya? Hindi naman siguro totoo ang usap-usapan na walang gustong sumama sa kanya sa pangamba na madamay sa kinasasangkutan niyang anomalya ng kurakutan sa Makati City.
Wala pang balita sa hinihinging house arrest ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Hirit ng kanyang abugado, hindi na gumagaling si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center at makabubuti kung iuuwi na siya sa bahay maging sa mamahaling bahay niya sa La Vista Subd., sa Quezon City o sa Lubao, Pampanga kung saan siya nag-ugat.
Wala namang duda na gusto nilang gumaling si Arroyo.
Pero naisip ko lang, paano kung gumaling si Arroyo ibig sabihin ba ay ikukulong na siya sa regular na kulungan?
Ang kanyang mga abugado ang nagsabi noon na dapat sa ospital ikulong si Arroyo dahil may sakit ito.
Ang pagkakakulong sa ospital ay isang prebelihiyo ng mga mayayaman na ayaw maihalo sa mga preso na pumapatay ay nagnanakaw para masolusyunan ang kumakalam na sikmura.