Café France humirit ng winner-take-all Game 3

d league

Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena, Pasig City)
3 p.m. Café France vs Hapee
(Game, 3 best-of-three Finals)

MAGKAKAROON pa ng isang laro ang tagisan sa pagitan ng Café France at Hapee nang kunin ng  una ang 76-70 panalo sa Game Two ng 2015 PBA D-League Foundation Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagkaroon ng siyam na triples ang Bakers sa kabuuan ng laro at nakita ang pagtutulungan ng mga starters at bench na siya nilang naging puhunan para makaabot sa championship round sa unang pagkakataon matapos ang limang taong pagsali sa liga.

Si Samboy de Leon ay mayroong 14 puntos, si Rodrigue Ebondo ay may 10 puntos at 10 rebounds pero nakapanorpresa ang off-the-bench na si Alfred Batino na may 11 puntos.

Sina Eliud Poligrates, Maverick Ahanmisi, Alvin Abundo, Joseph Sedurifa ay Aaron Jeruta ay nagsanib pa sa 40 puntos para ipakita ang mabangis na opensa.

Walong sunod na puntos ang agad na ginawa ng Bakers sa laro at ang pinakamalaking kalamangan nila sa first half ay nasa 18 puntos, 43-25.

Sinikap ng Fresh Fighters na bumangon at sa pangunguna ni Chris Newsome ay dumikit ang koponan sa 66-60. Pero hindi natinag ang Bakers at ang layup ni Poligrates sa huling 15 segundo ng laro ang nagtiyak ng panalo sa 75-67 bentahe.

“We played great defense today because we stopped Team Hapee,” pagmamalaki ni Bakers coach Edgar Macaraya.Si Newsome ay tumapos taglay ang 15 puntos habang sina Arthur dela Cruz at Troy Rosario ay mayroong 14 at 13 puntos para sa Hapee na hindi nakasama si Ola Adeogun dahil sa iniindang injury sa binti.

Nagkainitan ang mga team managers na sina Bernard Yang ng Hapee at Jun Tiongco ng Café France sa huling yugto at pareho silang napatalsik sa laro.

Game scores:
Cafe France 76 – De Leon 14, Batino 11, Ebondo 10, Sedurifa 9, Jeruta 8, Abundo 8, Poligrates 8, Ahanmisi 7, Cortez 1, Galanza 0, Miranda 0, Noble 0, Andrada 0
Hapee 70 – Newsome 15, Dela Cruz 14, Rosario 13, Thompson 9, Elorde 6, Romero 5, Amer 3, Mendoza 3, Sorela 2, Gamboa 0, Villahermosa 0, Koga 0
Quarters: 21-12, 45-30, 62-48, 76-70

Read more...