HINDI pa nagsisimula ang 91st NCAA men’s basketball pero tila nasa kamay na ng five-time defending champion San Beda Red Lions ang paglalabanang titulo.
Sa pulong pambalitaan kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay walang nakapagbigay ng direktang sagot sa katanungan kung kaya na ng siyam na iba pang kasaling koponan na putulin ang pamamayagpag ng Red Lions.
“Sa assessment ko ay tsamba lang ang tsansa naming manalo,” wika ng beteranong si Aric del Rosario na ang hawak na Perpetual Help Altas ang siyang nginunguso na may kakayahang labanan ang Red Lions dahil sa paglalaro ni NCAA Season 90 MVP Earl Scottie Thompson at sinaniban pa ng dalawang imports na sina 6-foot-8 Bright Akuhuetie at 6-foot-11 Prinze Eze.
Ang dating national youth coach na si Jamike Jarin ang siyang tinapik para palitan si Boyet Fernandez na nakadalawang titulo sa San Beda para magkaroon ng kabuuang five-peat ang koponan.
Matikas pa rin ang Red Lions dahil maglalaro pa rin sina Baser Amer, Ola Adeogun at Arthur dela Cruz Jr. at pinalakas sila ng pagdating ng isa pang banyagang manlalaro na si 6-foot-8 Pierre Tankoua.
Si Jarin ang ikaapat na bagong coach na masisilayan ngayong taon at ang iba pa ay sina Rodney Santos ng San Sebastian College, Andy de Guzman ng Emilio Aguinaldo College at Aldrin Ayo ng Letran.
Ang dating Stags coach na si Topex Robinson ay lumipat naman at coach ngayon ng Lyceum.
“San Beda is the barometer in this league. We just have to focus on things that we have control of like the system we will be using. We want to give our best especially against San Beda because they will go all out as they try to win their sixth straight title,” ani ni Robinson.
Ayaw naman magpadala sa buyo ni Jarin na nakikita pa ring magiging palaban ang mga katunggali dahil tiyak na nais nilang pigilan ang hanap na makasaysayang kampanya.
“This is not San Beda league, this is the NCAA. These nine coaches are hardworking coaches and the harder you work, the luckier you get. We just have to work hard than them and be luckier than them,” tugon ni Jarin.
Kasabay nito ay sinabi ni NCAA Policy Board president Dr. Reynaldo Vea ng host Mapua na bibigyang parangal ng liga sa opening sa Sabado ang mga manlalarong nakasama sa pambansang koponan na naglaro sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Gumawa rin ng hakbang ang liga para hindi mangyari ang pagkamatay ng isang manlalaro sa pagkuha ng mga datos patungkol sa kalusugan ng lahat ng atleta mula sa mga kasaping paaralan.
Magkakaroon din ng mga doktor at ambulansya sa bawat palaruan sa lahat ng mga sports events na pinaglalabanan para matiyak ang kalusugan ng mga manlalaro.