Solo third target ng Rain or Shine

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Star Hotshots vs Barako Bull
5:15 p.m. Meralco vs Rain or Shine

MAPALAWIG ang winning streak sa anim na laro at masolo ang ikatlong puwesto ang puntirya ngayon ng Rain or Shine Elasto Painters sa pagsagupa nila sa Meralco Bolts sa 2015 PBA Governors’ Cup elimination round sa alas-5:15 ng hapon na main game sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa alas-3 ng hapon na opening game ay makakaharap ng Star Hotshots ang dumadausdos na Barako Bull Energy.

Ang Elasto Painters ay umangat sa ikatlong puwesto sa team standings sa tangang 6-4 kartada matapos na magposte ng limang sunod na panalo kontra Blackwater Elite (123-85), Talk ‘N Text Tropang Texters (88-73), NLEX Road Warriors (106-102), Star Hotshots (103-88) at Kia Carnival (94-90).

Ang Bolts ay kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto sa 5-4 karta at galing sila sa panalo kontra Barangay Ginebra Kings, 102-99.

Ang Elasto Painters ay pinamumunuan ni Wendell McKines na may team-leading averages na 27.50 puntos, 14.90 rebounds at 1.30 shotblocks.

Nakakatuwang ni McKines sina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Jericho Cruz, Beau Belga at Raymond Almazan.
Ang Bolts ay pinangungunahan nina Andre Emmett at Asian reinforcement Seiya Ando.

Si Emmett ay gumagawa ng team-best 33.33 puntos, 10 rebounds, 3.56 assists at 2.2 steals.

Suportado naman nina Gary David, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, Sean Anthony at Mike Cortez ang mga imports ng Bolts.

Ang Star Hotshots ay nasa ikawalong puwesto sa 4-5 record at manggagaling sila sa panalo laban sa Talk ‘N Text, 105-93, noong Martes.

Ang Hotshots ay pinamumunuan ni Marqus Blakely na kumakamada ng team-leading 22.22 puntos, 14.00 rebounds, 3.44 assists, 2.44 steals at 2.67 shotblocks.

Si Blakely ay tinutulungan nina Joe Devance, Alex Mallari, James Yap, Mark Barroca at Marc Pingris.

Ang Barako Bull ay magmumula sa tatlong sunod na pagkatalo buhat sa Kia (68-71), Alaska Aces (95-101) at Barangay Ginebra (98-120) para malaglag sa 6-4 record.

Si Liam McMorrow ang nangunguna para sa Energy sa ginagawang team-best 27.50 puntos at 20.70 rebounds.

Tinutulungan naman nina Joseph Yeo, RR Garcia, JC Intal, Chico Lañete at Carlo Lastimosa si McMorrow.

Samantala, pinataob ng Alaska ang San Miguel Beer, 82-77, sa kanilang out-of-town game kahapon sa Panabo City Multi-Purpose and Cultural Center sa Panabo City, Davao del Norte.

Bunga ng panalo, umangat ang Aces sa top spot sa team standings sa 8-2 karta habang nalaglag ang Beermen sa ikalawang puwesto sa 8-3 record.

Si Romeo Travis ay gumawa ng 32 puntos, 10 rebounds, dalawang steals at dalawang blocks para pangunahan ang Alaska.

Read more...