ANIM na buwan matapos ang fare hike na ipinatupad sa MRT-3 at LRT, patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga pasaherong sumasakay dito. Kundi may aberya, kailangang pumila ng mga pasahero para lamang makabili ng ticket at makasakay ng tren. Sa araw-araw na pagsakay sa MRT at LRT, makikita mo talaga kung gaano kalaki ang pasensya ng mga Pinoy dahil wala naman silang pagpipilian kundi magtitiis sa mga palpak na tren ng ating mass transport system.
Bukod kasi sa mga aberyang nararanasan sa pagsakay mo ng MRT at LRT, isinasabay pa ang paghahanda para sa unified ticketing system.
Kapag sumakay ka ng MRT, nakahambalang sa dadaanan ng mga pasahero ang mga makinang gagamitin sa bagong ticketing system.
May pagkakataon pa na sa paglabas mula sa tren, maaabala ka pa rin dahil isa lamang ang umaandar para ka makalabas.
Minsan iisipin mo na lamang kung naiisip ba ng pamunuan ng DOTC at MRT na pumapasok ang mga pasahero ng MRT at wala sila roon para mag-joyride. Mage-exit ka na lang, ilang minuto pa ang gugulin mo sa pagpila.
Kundi pa magrereklamo ang mga pasahero, hindi pa maiisip ng mga personnel na kunin na lamang ang mga ticket ng mga pasahero na gamit lamang ay single journey para mapadali ang kanilang paglabas.
Sa LRT naman, mas malala ang problema kapag ikaw ay papunta ka ng southbound o mula Roosevelt hanggang Baclaran. Paano ba naman hindi na pinapayagan ang stored value tickets kayanapipilitan ang mga pasaherong pumila para lamang makasakay ng tren.
Kaya kapag ikaw ay nagmamadali sa umaga, kahit saan ka pa nanggaling, talagang parusa ang pagpila. Bukod pa rito siyempre ang problema sa pagpasok sa punong-punong tren.
Sa pagsakay naman ng mga pasaherong papunta ng northbound, bagamat tinatanggap pa ang mga stored value tickets, napakahaba pa rin ng pagpila para makabili ka ng ticket dahil bukod sa limitado ang nagbebenta ng mga stored value tickets, hindi mo pa alam kung saan ka makakabili nito.
Ang resulta, napakahabang pila sa araw-araw. Ilang buwan nang ganito ang scenario sa MRT at LRT at hanggang ngayon wala pang kaliwanagan kung kailan talaga maipapatupad ang sinasabing bagong ticketing system.
Hindi maikakaila ng DOTC at ang pamunuan ng MRT at LRT na lalong sumama ang serbisyo nila simula nang magpatupad sila ng fare hike noong Enero, 2015.
Hindi mauubusan ng reklamo ang mga pasahero kung iisahin mo lang ang kapalpakan ng MRT at LRT. Kabilang dito ang napakainit sa loob dahil sa wala o napakahinang airconditioning unit, matagal na pagtigil ng mga tren, palpak na serbisyo ng mga teller at ang palpak na pagsasaayos ng pila ng mga guwardiya.
Kung kailan aayos ang serbisyo ng MRT at LRT, yan na ata ang inaabangan ng mga pasahero at kung may katapusan nga ba ang kalbaryong nararanasan ng mga mananakay.
Isang taon matapos ihayag ni PNoy ang fare hike sa MRT at LRT sa kanyang SONA, baka maringgan pa natin siyang ipagmamalaki sa kanyang huling SONA sa Hulyo, na dahil sa pagtaas na pasahe, hindi na pinapasan ng ibang taxpayers ang ginagastos sa operasyon ng ating mass transport system.
Sasabihin pa sa kanya ng ating mga kababayan na hindi sulit ang dagdag pasahe na ipinatupad dahil nagresulta lamang ito ng lalo pang masamang serbisyo sa operasyon ng MRT at LRT.