PASOK ang mga pelikula ng mga tinaguriang Box-Office stars sa 2015 Metro Manila Film Festival.
Kanina, pormal na inihayag ng pamunuan ng MMFF sa pangunguna ni MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino, ang mga pelikulang maswerteng napili para maging bahagi ng Magic 8 na maglalaban-laban sa taunang MMFF sa Disyembre.
Ginanap ang formal announcement sa Seda Hotel, Bonifacio Global City sa Taguig. Sa kabuuan, may 21 pelikulang isinumite sa executive committee ng MMFF pero walo nga lang sa mga ito ang pipiliin.
Ayon kay Chairman Tolentino, karamihan sa mga pinagpiliang pelikula ay romantic-comedy, drama at horror. Meron ding nag-submit na action-drama.
Ang walong masusuwerteng pumasok sa Magic 8 ay ang “Mr. And Mrs. Split” (Star Cinema) nina Herbert Bautista and Kris Aquino; “Romco-Min Mo Ako” (Octo Arts/MZet) nina Vic Sotto a Ai Ai delas Alas; “Beauty And The Bestie” (Star Cinema/Viva Films) nina Vice Ganda and Coco Martin; “Walang Forever” (Quantum Films) nina Jennylyn Mercado at JM de Guzman; “Haunted Mansion” (Regal Entertainment) nina Janella Salvador, Marlo Mortel at Jerome Ponce; “Hermano Puli” (Teamworks) ni Aljur Abrenica at Alessandra de Rossi; “Nilalang” nina Robin Padilla at Maria Ozawa; “Death And Senses” nina Rayver Cruz, Lotlot de Leon and Ian Veneracion.
“There is so much potential in the scripts submitted. I am grateful to the film producers who wanted to participate in this year’s MMFF,” ayon kay Tolentino. Siyempre, umaasa ang buong pamunuan ng MMFF na sa mga napiling pelikula para maging bahagi ng 2015 MMFF ay malagpasan ang kinita ng filmfest last year.
Kung matatandaan, umabot sa mahigit P1 billion ang kinita ng lahat ng pelikula na kasali noong nakaraang taon, na sinasabing record-breaking sa history ng MMFF.
At sabi nga ni Chairman Tolentino, sana’y mas pagandahin at mas pabonggahin ng mga producer ang kanilang entries ngayong taon para mas maging exciting ang labanan.
Ang projection ng MMFF this year ay kumita ng P1.2 billion. Siguradong malulungkot na naman ang mga fans ni Superstar Nora Aunor dahil laglag na naman ang entry nitong “Kabisera”.
Kung sakali namang may entry na mag-backout, dalawang pelikula ang pinili na ilalagay sa waiting list, ang “ConMan” ni John Lloyd Cruz at “Lakambini” nina Rocco Nacino at Lovi Poe.
MOST READ
LATEST STORIES