Laro Ngayon
(Panabo City, Davao del Norte)
5 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer
HANGAD ng San Miguel Beer na ipagpatuloy ang pagragasa at tapusin ang elimination round schedule nito sa pamamagitan ng isa pang panalo kontra Alaska Milk sa kanilang pagtutuos ngayon sa isa na namang out-of-town game ng 2015 PBA Governors’ Cup sa Panabo City Multi-Purpose and Cultural Center sa Panabo City, Davao del Norte.
Matapos na matalo sa kanilang unang dalawang laro ay bumawi ang Beermen at nagposte ng walong sunud-sunod na tagumpay upang manguna at makamtan ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Kahit na no-bearing na ang laro para sa Beermen ay ayaw nilang mapatid ang winning streak upang manatiling matalas papasok sa susunod na round kung saan makakatagpo nila ang eighth seed team.
Ang Alaska Milk ay nasa ikalawang puwesto sa kartang 7-2 at may three-game winning streak.
Dinaig ng Aces ang KIA Carnival (101-63), Meralco (89-75) at Barako Bull (101-95).
Ito ay isang grudge match sa pagitan ng Beermen at Aces na nagkita sa best-of-seven Finals ng nakaraang Philippine Cup. Namayani ang San Miguel Beer matapos ang Game Seven.
Subalit matapos na magkampeon, tumukod ang Beermen sa sumunod na Commissioner’s Cup at hindi nakarating sa quarterfinals. Ang Aces ay umabot sa quarterfinals subalit tinalo ng dalawang beses ng Star Hotshots at tuluyang nalaglag.
Ang San Miguel Beer ay pinangungunahan ni Arizona Reid na nagtala ng pambihirang triple-double (32 puntos, 10 rebounds at 12 assists) sa kanilang huling laro kontra Blackwater na tinambakan nila, 115-83, noong Martes.
Si Reid ay sinusuportahan nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter.
Makakatapat ni Reid si Romeo Travis na tinutulungan naman nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Samantala, dinaig ng Talk ‘N Text ang Kia, 94-85, sa kanilang laro kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.