MARAMING nakiluha at naka-relate kay Vice Ganda nang bigla itong umiyak sa nakaraang episode ng It’s Showtime. Sa segment kasi niyang AdVice Ganda”, isang lolo na nagpakilalang si Benjamin ang humingi ng payo sa TV host-comedian kung ano ang dapat niyang gawin ngayong nangungulila siya sa kanya mga anak.
“Nalulungkot po ako at nangungulila dahil ‘yung mga anak kong tatlo, wala na ho rito. Nandoon po sila sa labas ng Pilipinas,” sabi ni Lolo Benjamin kay Vice. Anito, nasa Dubai, Canada at Hong Kong daw ang mga anak niya kung saan nagtatrabaho ang mga ito.
Pero sa halip na makapagbigay ng payo, bigla na lang umiyak si Vice at sinabing tulad ni lolo Benjamin, miss na miss na rin niya ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang lolong si Gonzalo Dacumos na namatay sa edad na 93 noong Pasko.
Nanghihinayang siya dahil kulang na kulang daw ang panahon na pinagsaluhan nilang dalawa. Mas lalo pang naiyak si Vice nang bumaling siya sa audience kung saan nandoon ang kanyang inang si Rosario Viceral na umuwi muli ng bansa mula sa Amerika para madalaw ang anak, “Hindi ko gustong maramdaman ‘yan ng nanay ko.”
Sabi ni Vice, mula nang dumating ang kanyang ina last week, dalawang beses pa lang silang nagkikita, “I’m sorry,” patuloy pa rin sa pag-iyak ang TV host. “I am trying my best, pero minsan hindi ko talaga kaya.
I’m sorry. I’m trying as much as I can to make you proud… Kaya kitang mabilhan ng bahay, ng magandang kotse. Pero nahihiya ako na hindi kita mabigyan ng oras. I’m sorry.”
Natuwa naman si Lolo Benjamin nang yayain siya ni Vice na samahan sila ng kanyang nanay sa isang dinner date, “Iyong oras na hindi mabigay sa ‘yo ng mga anak mo for now, ako muna ang magbibigay.”
Ilang oras matapos ang madramang tagpo sa Showtime, nag-post si Vice ng larawan sa kanyang Instagram account kung saan makikitang magkasama silang mag-ina at si Lolo Gonzalo.
Nilagyan niya ito ng caption na: “This man is an angel in disguise. He touched and awakened not just me but so many people who were able to hear his story… I love him.
“I love every parent most especially my NANAY. God bless all the parents!”