Isabelle Daza ayaw pa ring patawarin ng ilang taga-Siquijor kahit nag-sorry na
Mabuti naman at nahimasmasan agad si Isabelle Diaz Daza, mabuti naman at napag-isip-isip niya na kung makikipagmatigasan pa siya at ipipilit na “for fun” lang ang ipinost niyang #siquiWhores ay lalo siyang bibirahin ng mga hindi nagkagusto sa kanyang ginawa, huli man ay nakapag-sorry na rin siya.
Galit na galit sa kanya ang mga Siquijodnon, nagpupuyos ang damdamin ng mga nasasakupan ni Vice-Governor Dingdong Avanzado sa terminong “whore” na idinugtong niya sa pangalan ng probinsiyang dinalaw niya, walang kahit sinong magkakagusto sa ginawa ni Isabelle Daza.
‘Yun ang mahirap kapag masyadong relax na relax na ang paggamit ng tao sa social media, nakakalimutan na ang disiplina, parang ginagawa na lang niyang katatawanan kahit ang mga seryosong bagay at paksa.
Natural, dumulog kay VG Dingdong Avanzado ang kanyang mga nasasakupan, masamang-masama ang loob ng mga Siquijodnon, dahil sa ginamit na termino ni Isabelle sa paglalarawan sa kanilang lugar.
“Ayoko na sanang magbigay pa ng pagtutok sa ginawa ni Isabelle, pero hindi ako puwedeng manahimik na lang, dahil nakita ko ang mga constituents ko na nasaktan sa ipinost niya.
Paano na nga naman ang kanilang integridad at reputasyon?” pahayag ng aktor-pulitiko. Nanghingi na ng dispensa ang dalagang aktres tungkol sa nangyari, tinanggap naman ni Vice-Governor Dingdong Avanzado ang kanyang paumanhin, pero hindi lahat ng mga Siquijodnon ay maaasahan ni Isabelle Daza na agad-agad na makakaunawa sa kanyang ginawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.