Cast ng Bituing Walang Ningning binigyan ng standing ovation

bituin

Isa kami sa nakapanood ng technical rehearsal ng musical play na “Bituing Walang Ningning” noong Martes sa Resorts World Manila na pinagbibidahan nina Cris Villongco, Mark Bautista, Ronnie Liang at ang baguhang singer na si Monica Cuenca sa direksyon ni Freddie Santos.

Taong 1985 nang ipalabas ang film classic na “Bituing Walang Ningning” nina Sharon Cuneta, Cherie Gil at Christopher de Leon, sa direksyon ni Emmanuel Borlaza produced by Viva Films.

Sa pelikulang ito rin sumikat ang linya ni Cherie Gil na, “You’re nothing but a second rate trying hard, copycat!”  First timer si Monica sa musical play at maraming nagandahan sa boses niya dahil klaro at malinis.

Siya ang gaganap sa role noon ni Megastar. Pero rebelasyon sa lahat ay si Ronnie dahil hindi halatang unang beses lang niyang gumawa ng musical play. Ito rin halos ang feedback ng mga nakasabayan naming nanood.

Binati namin sa text message si Ronnie paglabas namin sa Resorts World, “Thank you, Reggee, first time magmusical play, kaya nagpapasalamat ako kina boss Vic (del Rosario), ma’am Veronique (del Rosario-Corpus) at boss Vincent (del Rosario) sa tiwala nila sa akin,” sagot ni Ronnie.

Tinanong namin kung hindi ba siya nahirapan o kinabahan sa unang sabak niya sa musical play at ano ang mas madali para sa kanya ang mag-concert o entablado.

“Mas madali po ang mag-concert, isa o dalawang rehearsals lang, okay na, ready na. Kakanta ka lang at spiel okay na at mas madalas may teleprompter. Ang musical, sa loob ng three months everyday except Saturday and Sunday nagre-rehearsals kami na walang teleprompter,” say ng binata.

Natawa nga kami sa hirit ni Ronnie na, “Napapanaginipan ko na nga mga eksena namin. Bigla na lang nasasabi ko sa sarili ko ‘yung mga linya kahit mag-isa na lang ako.

Sinadya pala ni direk Freddie (Santos) ‘yun at ng production na ganu’n at nagpapasalamat po ako na ginawa namin ‘yun, nahasa ako lalo na first timer mag-musical play.”

Hindi itinanggi ng singer na kabado talaga siya dahil hindi niya linya ito. Kung tatlong buwan siyang naka-commit sa rehearsals, paano na ang ibang shows niya at kung may bayad ba ang rehearsals nila, “Yes, may bayad ang rehearsals, ganu’n daw talaga ang musical play (may bayad).

Pag may show (raket), pinapaalam naman namin at pumapayag sila,” pag-amin sa amin. In fairness, binigyan ng standing ovation ang buong cast ng “Bituing Walang Ningning.”

Nagsimula na ang “Bituing Walang Ninging” noong Hunyo 17 at tatagal hanggang Hulyo 3 sa Resorts World Manila.

Read more...