Surender-surenderan lang pala

Sinurender ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga 75 baril at ibang armas at 145 na mga diumano’y mga combatants sa gobiyerno.

Ito’y bilang pagpapakita ng MILF ng kanilang sinseridad na nais nila ng katahimikan na isinasaad sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na hindi pa inaaprubahan ng Kongreso.

Di ba ninyo napansin na mga luma na ang mga armas na sinurender? Baka hindi na nga pumuputok ang mga ito.

Di ba ninyo napansin na lahat ng mga diumano’y combatants ay sobrang matatanda na at kandidato na sa libingan?

Ang hirap kay Pangulong Noynoy, na nag-inspection ng mga armas at tumanggap ng surrender ng 145 “combatants,” napapaniwala siya ng mga Moro.

Ganoon na ba ka-desperado si P-Noy na makamit ang Nobel Peace Prize na pinipilit niyang maniwala kahit na siya’y ginagago na?

“Symbolic” ang pagsusurender ng mga armas at mga MILF “combatants.”

Simbolo lang, walang katotohanan, surrender-surenderan lang–ganoon ba yun?

Ah, kaya nga yung mga armas ang panahon pa ni Magellan at ang mga combatants ay lulugo-lugo na at ayaw nang makipaglaban dahil sila’y mga lolo na.

Kapani-paniwala sana kapag ang mga armas na sinurender ay mga bago—yung mga binigay ng Malaysia sa MILF bago ang negosasyon sa BBL—at ang mga combatants ay matitikas at batambata.

Naalala ko pa noong mga panahon ni Ferdinand Marcos na binigyan ng pera ang mga nagsurender na mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at yung iba naman ay inabsorb ng Armed Forces of the Philippines .

Anong nangyari sa mga binigyan ng pera in exchange for their firearms? Wala, dahil ang mga sinurender na mga baril ay mga lubhang luma na.

At nang muling maglabanan ang government troops at MNLF, yung mga sumurender ay sumanib muli sa kanilang tropa.

Niloko lang ng MNLF, na “tatay” ng MILF, ang gobiyerno ni Marcos.

Tinawag ni Sen. Teofisto “TG” Guingona, chairman ng Senate blue ribbon committee, ang mga alegasyon ng whistleblower na si Rhodora Alvarez na “disturbing” o nakaliligalig.

Iniimbestigahan ng kanyang komite ang mga alegasyon ni Alvarez na ang P1.2-billion helicopter deal ay rigged in favor of Rice Aircraft Services (Rasi) at Eagle Copters.

Sa 21 helicopters na bibilhin sa ilalim ng transakyon, 7 ay dumating na pero isa lang ang lumilipad.

Sus, Senador TG, ano pa ang kailangan mong malaman upang dapat ay sampahan na ng kasong plunder sina Defense Secretary Voltaire Gazmin, Undersecretary Fernando Manalo at ibang defense at Air Force officials?

Baka pinatatagal mo ang imbestigasyon hanggang makalimutan na ito ng publiko dahil si Gazmin ay isa sa mga paboritong Cabinet member ng Pangulong Noynoy?

May balak daw akong sampahan ng kasong libel ni Supt. Victor Pagulayan, commander ng Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa aking exposé na siya’y nangotong ng P200,000.

Ang kinotongan ni Pagulayan at ng kanyang mga tauhan ay mga magulang ng teenager na kanilang hinuli habang bumibili ng shabu sa lugar na hindi nga nila saklaw: sa Philcoa District na sakop na ng Station 9.

Ang aking mensahe kay Pagulayan: Go ahead, make my day!

Ang gagawin kong defense witness ay mismong ang iyong big boss na si Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP).

Si Espina ang una kong sinabihan ng tungkol sa negosasyon sa pagitan ni Pagulayan at ng ina ng teenager.

Biyernes nang malaman ko na hinuli ang teenager at sa araw ding yun ay nagkakaroon ng negosasyon sa perang ibibigay sa mga pulis upang mapalaya ang teenager.

Noong araw ding yun, tinawagan ko si Espina at nagkasundo kami na i-entrap namin si Pagulayan noong Lunes.

Pero noong Sabado, di natiis ng ama ng teenager na tumagal sa kulungan ang kanyang anak at binigay na ang hinihinging P200,000 ng mga taga Station 6.

Read more...