Speaking of Derek Ramsay, matuloy kaya ang guesting niya sa “Walang Forever” movie naman nina Jennylyn Mercado at JM de Guzman? May nagkuwento sa amin na pakiusap daw ng producer ng pelikula na si Atty. Joji Alonso na mag-cameo si Derek sa pelikula na inoohan naman daw ng aktor.
Ang kaso, hindi yata dumaan si Atty. Jojie sa management agency ni Derek kaya hindi alam ng aktor na marami pala itong prior commitments. Naka-block na kasi ang schedules ni Derek para sa pelikula nila ni Coleen Garcia na “Ex With Benefits” mula sa Star Cinema at isa pang movie na nakalimutan namin kung sino ang kasama.
May dalawang programa ring gagawin ang aktor sa TV5 dahil tapos na ang Mac & Chiz nila ni Empoy, idagdag pa ang serye nila ni Gelli de Belen, at ang weekly taping nila para sa variety show na Happy Truck Ng Bayan na umiikot sa iba’t ibang barangay sa Metro Manila.
Hindi naman siguro magiging maganda kung sisilip o dadaanan lang ng camera si Derek sa pelikula nina JM at Jen dahil may pangalan na rin naman ang aktor. At sigurado ring hindi papayag ang mga taong namamahala sa career niya.
Bakit nga ba kailangan pa si Derek mag-cameo sa pelikula e, kayang-kaya naman na nina JM at Jen dalhin ang movie? Ibig bang sabihin may alinlangan ang producer ng pelikula na baka hindi mag-click ang dalawang bida?
Samantala, sa last quarter of 2016 pa magagawa nina Derek at Jennylyn ang sequel ng “English Only Please”, say mismo ng aming source.