Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Rain Or Shine vs. KIA
7 p.m. Barako Bull vs. Barangay Ginebra
KUMULEKTA ng triple double si Arizona Reid para pangunahan ang San Miguel Beer sa 115-83 panalo kontra Blackwater kahapon sa PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Gumawa ng 39 puntos, 12 assists at 10 rebounds si Reid habang nag-ambag naman ng 20 puntos si June Mar Fajardo para sa Beermen na nakakasigurong magtatapos sa top two sa elims at may twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ito ang ikawalong panalo ng SMB sa sampung laro. Bumagsak naman sa 1-8 baraha ang Blackwater na pinamunuan ni Marcus Cousin na may 25 puntos at 16 rebounds sa laro.
Samantala, pipilitin ng Rain or Shine na makuha ang ikalimang sunod na panalo at makisosyo sa ikaapat na puwesto sa pagsagupa nito sa KIA Carnival ngayong alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa 7 p.m. main game naman ay maghaharap ang Barako Bull at Barangay Ginebra na kapwa magbabawi sa natamong kambal na kabiguan.
Matapos na simulan ang torneyo sa masamang 1-4 record ay nakaahon ang Elasto Painters na nagposte ng apat na sunod na panalo kontra Blackwater (123-85), Talk ‘N Text (88-73), NLEX (106-102) at defending champion Star Hotshots (103-88) upang umangat sa 5-4.
Kung mananalo sila mamaya ay makakatabla nila sa ikaapat na puwesto ang Globalport (6-4). Puwede pang umangat sa joint third place ang Elasto Painters kung masisilat ng Ginebra ang Barako Bull na may 6-3 baraha sa kasalukuyan.
Ang Elasto Painters ay pinamumunuan ng import na si Wendell McKinnis na sinusuportahan nina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at Ryan Arana.
Ayon kay coach Joseler ‘‘Yeng” Guiao, malaking bagay sa pag-angat ng Rain or Shine ang improvement sa laro ni McKinnis. Idinagdag din niya na ang pagbalik ni Chan buhat sa injury at nakapagpalalim sa kanilang opensiba.
Ang KIA, na pinangungunahan nina Hamady N’Diaye, Jet Chang, LA Revilla, Hyram Bagatsing, Hans Thiele at Rich Alvarez, ay galing sa 102-94 kabiguan sa Globalport at may 4-4 karta.