Mga Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. Café France vs Hapee
(Game 1, best-of-three Finals)
HUMABA man ang ruta ay nasa finals pa rin ang Hapee nang kanilang kalusin nang tuluyan ang number one team Cebuana Lhuillier, 73-66, sa pagtatapos ng 2015 PBA D-League Foundation Cup semifinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Lumabas ang ipinagmamalaking pride ng isang kampeon nang hindi bumitaw ang mga manlalarong ginamit ni Hapee coach Ronnie Magsanoc para angkinin ang 2-1 panalo sa best-of-three series.
“Pagod na ang mga players pero hindi sila bumigay. Na-challenge sila dahil ang kalaban ay ang number one team sa liga at ang kanilang puso ang nagdala sa amin,” wika ni Magsanoc na magbabaka-sakali na makuha ang ikalawang sunod na titulo matapos pagharian ang Aspirants’ Cup.
Hindi nakasama ng Fresh Fighters sina Garvo Lanete, Bobby Ray Parks Jr., Earl Scottie Thompson, Baser Amer at Troy Rosario pero binalikat uli nina Ola Adeogun at Arthur Dela Cruz ang koponan sa kinamada nilang 20 at 14 puntos.
May walong puntos pa si Chris Newsome ngunit malaking tulong ang ginawa nina Nico Elorde, Kirk Long at Mar Villahermosa para sa Hapee na sa unang dalawang labanan ay tahimik lamang.
Si Elorde ay nagpasabog ng 12 puntos habang tig-anim pa ang ginawa nina Long at Villahermosa.
Si Long ay napakinabangan sa unang at ikalawang yugto para hawakan ng Fresh Fighters ang 19-14 at 33-26 bentahe habang si Villahermosa ang siyang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa koponan nang naipasok ang isang tres tungo sa 62-61 iskor.
Sumunod dito ay si Adeogun na ang nanalasa nang ibagsak ang pitong puntos para tulungan ang Hapee sa 72-64 kalamangan.
Masakit na pagtatapos ang nakuha ni Gems coach David Zamar dahil magara ang kanilang panimula nang naipanalo ang naunang pitong laro.
Pero natalo sila sa tatlo sa huling apat na laro para mailagay sa kasaysayan ng liga bilang kauna-unahang number one team na hindi pumasok sa championship round.
Si Simon Enciso ay mayroong 18 puntos habang si Moala Tautuaa ay gumawa lamang ng 12 puntos. Si Allan Mangahas na nagpasabog ng 40 puntos sa Game Two na kanilang napagwagian ay may11 puntos lamang habang bokya si Jackson Corpuz na starter sa laro.
Sa Huwebes sisimulan ang tagisan sa finals at katapat ng Hapee ang napahingang Café France.